Layunin ng inisyatiba ang ipakilala at ipaunawa ang kadakilaan at kabuluhan ng mga ginawa ni Rizal para sa ating bansa at ang epekto nito sa kasalukuyang panahon sa mga kabataang ipinanganak at lumalaking malayo sa Pilipinas.
Roma, Enero 2, 2017 – Sa pamamagitan ng isang docu-film ay ginunita sa Roma ang ika-120 taong anibersaryo ng pagiging martir ng ating pambasang bayani na si Gat Jose Rizal.
Sama-samang pag-awit ng Lupang Hinirang at pag-aalay ng bulaklak kay Jose Rizal sa kabubukas pa lamang na ‘Sentro Rizal’ ang nasaksihan ng mga kabataang Pilipino na partikular na inanyayahan ng Embahada ng Pilipinas upang panoorin ng docu-film “Bayaning 3rd World: Bilib ka ba kay Rizal or Wala kang Pakialam” sa direksyon ni Mike de Leon. Layunin nitong ipakilala at ipaunawa ang kadakilaan at kabuluhan ng mga ginawa ni Rizal sa ating bansa at ang epekto nito sa kasalukuyang panahon sa mga kabataang ipinanganak at lumalaking malayo sa Pilipinas.
Sa katunayan, ay binigyang-diin ni Ambassador Domingo Nolasco ang mahalagang obligasyon ng mga nakakatanda upang imulat ang mga kabataan na makilala ang ating kultura simula sa ating mga bayani.
Dagdag pa ni Nolasco, ito ang pangunahing layunin ng kabubukas pa lamang na Sentro Rizal sa loob mismo ng Embahada na sa pangunguna ng National Commission on Culture and Arts, ang Italya ay ang ika-23 Sentro Rizal na binuksan sa buong mundo partikular sa mga bansa kung saan malaki ang bilang ng mga Pilipino.
Para naman kay Queeenxel Carpio, 19 anyos, ipinanganak sa Italya, lumaki sa Pilipinas at muling nagbalik sa Italya upang ipagpatuloy ang pag-aaral, ang magandang simulain umano ni Rizal ay magiging gabay ng mga kabataan sa kanilang mas magandang kinabukasan.
Samantala, para kay Gabriel Sarmiento, 16 anyos ng grupo ng Pinoy Teens, ay nakilala niya si Rizal na bayani na nasa piso lamang, ngunit laking pasasalamat nito dahil sa kanyang napanood ay higit niyang nakilala ang tinatawag na kanya ring bayani kahit pa ipinanganak at lumaki sa Italya.
Para kay Norberto Fabros, mahalagang maituro sa mga kabataan ang pagbibigay pugay sa ating pambansang bayani. Sa katunayan, si Fabros ang organizer sa taunang wreath laying sa monumento ni Rizal na matatagpuan sa Piazza Manila sa Roma.
PGA