Ang mga residente ng syudad ng Roma ay nakatakdang bumoto at pumili ng Alkalde o Sindaco, mga konsehal o miyembro ng Konseho, mga presidente at konsehal ng 15 Munisipio sa Linggo, June 5.
Roma, Hunyo 3, 2016 – Ang pagpili ng pamunuan, nasyunal man o lokal, ay isang karapatan ng bawat mamamayan ng isang demokratikong bansa. Ang eleksyon ay ginaganap batay naman sa nakasaad na alituntunin sa konstitusyon ng bansa o teritoryo.
Dito sa Roma ay mahaharap muli ang mga residente ng siyudad upang bumoto at pumili ng Alkalde o Sindaco, mga konsehal o miyembro ng Konseho, mga presidente at konsehal ng 15 Munisipio.
Ang halalan ay gaganapin sa Hunyo 5 at Hunyo 19 naman kung magkakaroon ng Ballottaggio o pagpili sa dalawang kandidatong mayor na may pinakamataas na boto.
Maaaring bumoto ang lahat ng mamamayang italyano, mga mamamayang Europeo at ang mga naturalized Italian o mga banyagang nagkaroon nang Italian citizenship na regular na residente.
Ang pagboto ay aktibo, akto ng pagpili ng mga kandidato at pasibo, ang paghingi o pangangampanya sa halalan bilang isang kandidato. Sa takdang araw ng eleksyon ay dapat magtungo sa pook halalan o poll, dala ang isang dokumento at ang tessera elettorale o voter’s ID na regular na ipinadadala ng pamahalaang lokal sa mga residente. Kung ang nabanggit na dokumento ay nawala ay maaring humingi ng kopya nito sa mga munisipyong kinasasakupan.
Sinu sino ang mga kandidatong Mayor ng Roma?
Matatandaang ang Roma ay nasa pansamantalang pamumuno ni Preffeto Tronca dahil na din sa biglaang pagbaba sa tungkulin ng huling alkalde na si Ignazio Marino. At ngayon narito naman ang mga opisyal na mga kandidato bilang Sindaco di Roma.
Geogia Meloni. Ipinanganak sa Roma noong Enero 15, 1977, isang mamamahayag o journalist at politiko na kasalukuyang Presidente ng partido Fratelli d’Italia-Alleanza Nazionale na isa sa mga gruppong politikal na kanan o konserbatibo. Nanungkulan bilang Bise Presidente ng Camera dei Deputati(2006-2008), Ministro- Gioventù(2008-2011), at Deputata (2013-2014) Bukod sa kanyang partido, FDI-AN , siya ay suportado din ng Lega Nord. Ipinanganak sa Roma at sa murang edad na 15 anyos ay nagsimula sa politika bilang leader ng mga estudyante kasapi sa Fronte della Gioventù. Upang makatapos ng pag aaral ay nagtrabaho bilang baby sitter at waitress Bartender sa isang sikat na Nightclub, Piper. Una siyang nahalal sa politika noong 1998 bilang konsehal ng Provincia di Roma.
Roberto Giachetti. Ipinanganak sa Roma noong Abril 24 1961, isang journalist at matagal nang miyembro ng Partito Demokratico. Sa edad na 18 anyos ay sumapi siya sa Partito Radicale. Naging miyembro din siya ng mga gruppong politikal tulad ng Verdi, Margherita at ngayon ay PD na pawang mga samahang nasa kaliwang panig ng demokratikong idelohiya. Unang nahalal bilang konsehal sa isang Munisipio ng Roma at napiling Capo del Gabineto (1993-2001) ng noon ay Mayor na si Francesco Rutelli. Magmula noong 2006 at hanggang sa kasalukuyan ay nahalal bilang Deputato na naglingkod sa loob ng tatlong gobyerno . Sa matagal na panunungkulan ay tinawag din siyang “mago dei regolamenti parlamentari” Siya ay ang kasalukuyang Bise Presidente ng Camera dei Deputati. Matatandaan na si Giachetti ay nanalo sa Primarie ng Partido at suportado din ng mga partido ng Verdi, IDV, Radicali, at mga lista civica na pabor sa kanyang kandidatura.
Alfio Marchini. Mas higit na kilala bilang negosyante at hindi bilang isang politiko, si Alfio Marchini ay ipinanganak sa Roma noong Abril 1, 1965 sa pamilyang malapit sa partido Comunista noong panahon ng digmaan. Mula ng mamatay ang lolong si Alfio SR ay pinamunuan na niya ang kompanya ng construction ng pamilya bago pa man magtapos ng Civil Engineer sa Università di Roma . Noong 1994 sa boto ng Camera at Senato ay naitalaga siyang miyembro ng Consiglio di Amministrazione ng RAI TV. Noong 1996 ay naging Founding member at Presidente ng Shimon Peres Center for Peace at marami pang NGOs. Naging Manager ng Roma Duemila Spa (1995-1998) na siyang namahala sa paghahanda ng Jubilee year 2000. Noong 2007 ay naging miyembro ng Consiglio di Amministrazione ng Capitalia na bandang huli ay tinawag na Banca Unicredit. Kasama din siya sa Board ng Cementir Holdings (Constuction). Bukod sa tagumpay sa negosyo at kalakalan ay isa din siyang professional Polo player ng Loro Piana Blue Team.
Sa Politika ay unang sumalang bilang kandidatong Mayor ng Roma noong 2013. Sa pagkakataong ito ay muli siyang tatakbo kasama ng kanyang lista civica at suportado ng Area Popolare, Conservatori e Riformisti,Forza Italia ni Silvio Berlusconi at La Destra ni Francesco Storace.
Virginia Raggi. Ipinanganak sa Roma noong 1978 at halos sabay sa pagkakatatag ng partido Movimento Cinque Stelle noong 2011, siya ay nahalal na konsehal noong 2013. Nakapagtapos bilang isang abogado at nagtrabaho sa isang Law firm na malapit sa grupo politiko ng Forza Italia subalit nanatiling trabaho lamang ang kanyang pakikisalimuha sa naturang grupo. Siya ay may asawa at isang anak at sa panunungkulan niya sa Comune di Roma ay pinagtuunan niya ng pansin bilang Commission ang Scuola (Edukasyon) at Ambiente (Kapaligiran). Noong nag-aaral pa lamang, siya ay aktibong miyembro ng mga asosasyong tulad ng Acquisto Solidale, Canili di Roma, Punto G.A.S Prati at Rivoluziomario. Ang kanyang asawang si Andrea Severini ay aktibong kasapi din ng Cinque Stelle.
Sila ang apat na pinakamatunog sa mga surveys at balita subalit kasama din bilang kandidatong alkalde sina Stefano Fassina (Sinistra Italiana), Mario Adinolfi (PD Independente), Simone di Stefano (Casa Pound) , Alessandro Mustillo (PCI) , Alfredo Lorio (MSI) Carlo Rienzi (Codacons), Dario Di Francesco (Viva L’Italia),Fabrizio Verducchi (Italia Cristiana) at Michel Emi Maritato, Enrico Fiorentini at Carlo Priolo , Independenteng mga kandidato.
Bagama’t nasabi na sa mga naunang artikulo ay muling babangitin ang dalawang pilipina na pawang kandidato bilang konsehal ng Roma na sina Analiza Bueno , Lista Civica per Alfio Marchini at si Kate Magsino ng IDV per Giachetti.
ni: Tomasino de Roma