Ikaw…Sila…Tayo…Tayong lahat na bumubuo ng sangkapilipinuhan ay maaari ding tawagin na mga tunay na bayani ng ating bayan.
Ang buwan ng Hunyo ay maituturing na isang importanteng buwan para sa ating lahat na mga Pilipino saan mang dako ng mundo tayo naroroon. Hunyo 12, 1898, isang daan at tatlumpung taon na ang nakakaraan naganap sa ating bansang Pilipinas ang makasaysayang pagpapahayag ng pagsasarili hinggil sa matagal na pananakop ng Espanya. Sa buwang ito, ating ginugunita ang pagpo-proklama ng kalayaan ng ating bansa sa mismong balkonahe ni Heneral Emilio Aguinaldo (na naging unang Pangulo ng Pilipinas) sa Kawit, Kabite, kung saan, sa kauna-unahang pagkakataon ng ating kasaysayan ay iwinagayway ang ating bandila at tinugtog ang ating pambansang awit – ang pagpapahayag ng pagsilang ng Pilipinas bilang isang bansang may karapatang maging malaya.
Sa Italya, maituturing na kauna-unahang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ay naganap noong Hunyo 5 sa rehiyon ng Umbria, sa siyudad ng Terni. Isinabay ang selebrasyon sa programang inilunsad ng Associazione Anziani e Immigrati per L’Integrazione, ang “LA GIORNATA DELL’AMICIZIA E DELL’INTEGRAZIONE” na ginanap sa Palazzo Primavera na matatagpuan sa mismong sentro ng nasabing lungsod. Naging panauhing pangdangal sa nasabing okasyon ang ating pinakamamahal na ambasador sa Italya, Ambassador Romeo L. Manalo. Ang pagpapaunlak ng ating ambasador na makapiling ang mga kababayang Pilipino at maging parte ng dalawang espesyal na mga selebrasyon sa siyudad ay nagdulot ng malaking tuwa sa lahat ng ating mga kababayang Pilipino na kasalukuyang nainirahan at nagta-trabaho sa Terni. Si Ambassador Manalo ay naitala ding kauna-unahang ambasador ng Pilipinas sa Italya na dumalaw sa mga Pilipino sa nasabing siyudad sa mahigit na sampung taong kasaysayan ng migrasyon ng mga Pilipino sa Terni. Nakita ring dumalo sa okasyon bilang kinatawan ng munisipalidad ng siyudad ang Assessore alle Politiche Sociali ng Terni, si Sig. Stefano Bucari.
Isang programa ang inihanda ng San Francesco Filipino Community – Terni sa pangunguna ng kasalukuyang coordinator ng komunidad, Ms. Ines Nenita Hernandez Magmanlac na mas kilala sa tawag na ”Tita Neneth”. Sa parte naman ng asosasyong Anziani e Immigrati per L’Integrazione, mismong ang kanilang Presidenteng si On. Mario Andrea Bartolini ang naging punong abala sa kinakailangang preparasyon para sa maayos na pagsasagawa ng dalawang magkasabay na pagdiriwang. Ang programa ay inumpisahan ng pag-awit ng isang grupo na kinabibilangan ng mga Pilipino ng kantang “Ako ay Pilipino”, isang makabayang awitin na pinasikat ni Ms. Kuh Ledesma. Ang mga sumunod na presentasyon ay kinatampukan din ng mga kabataang Pilipinong nagpamalas ng kanilang kakayahan sa pagsayaw ng mga katutubong sayaw, tulad ng Cariñosa. Sinundan ito ng mga isahang tinig nina Marjhurie Manalo at Kervin Ilao kasama ang kauna-unahang nabuong banda ng mga kabataang Pilipino sa Terni, ang Chapter One Band. Kanilang ipinakita sa lahat na kahit sila ay lumaki at nagkaisip sa bansang Italya, mayroon silang mga kaalaman at kamalayan sa mga gawi at kultura ng sariling pinagmulang bayan. Isang hip hop dance number naman ang ipinakita ng dalagitang si Samantha Magmanlac, isang matatawag na repleksyon ng integrasyon ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyang lipunan na kanilang ginagalawan.
Namangha ang halos lahat ng naroroon sa pagdiriwang nang ipakilala sa wikang Italyano ni Mr. Alfonso Salem, Jr., tumayong emcee ng selebrasyon, si Ambassador Manalo dahil sa kanyang mga credentials at mga tagumpay na nakamit bilang isang kinatawan ng ating pamahalaan na naaatasang manungkulan sa iba’t-ibang panig ng mundo. Mas lalo pa silang namangha nang kanyang sinimulan ang kanyang speech sa wikang Italyano. “Grazie per il vostro invito. Sono contento di essere qui in questa piccola cittadina di Terni e, di conoscere le persone che ci hanno aperto la porta e li ringrazio per la loro benevolenza e le loro intenzione. Ma io penso che finora l’integrazione non si possa attuare, neanche con la seconda generazione in quanto non si è ancora pronti. Forse chi lo sa la terza generazione.”
Sa kanyang pagpapatuloy, siya ay humingi ng pahintulot sa mga Italyanong naroroon na makausap sa wikang Tagalog ang mga Pilipino. “Cari Italiani, lasciatemi parlare con i miei compaesani nella nostra lingua. Mga kababayan, ako’y nagagalak na makitang maayos ang inyong mga katayuan dito sa bansang ito at maraming handang tumulong sa inyo sa inyong mga pangangailangan. Sa kabilang banda, ako’y nalulungkot din dahil kahit hindi ninyo sabihin, alam kong marami sa inyo ang napawalay sa inyong mga mahal sa buhay na nasa ating bansang Pilipinas.” Sa kanyang pagwawakas, ang mga salitang ito ang kanyang sinabi “Cari Italiani, sono molto contento perchè tutti dicono che i miei concittadini sono bravi nel propio lavoro, specialmente le donne che fanno le baby sitter. Ma loro non sanno che dopo la loro giornata, dopo il lavoro, quando tornano nelle loro camere per riposare o dormire, piangono perche pensano ai propri figli che hanno lasciato nel nostro paese.”