in

“Sa mga balita ko lamang nalaman ang tunay na ikinamatay ng aking anak” – Jacquiline

Roma, Hulyo 24, 2012 – Matapos ang ilang araw ng katahimikan ni Jacquiline de Vega, ang ina ni Marcus Johannes de Vega, ang sanggol na namatay isang buwan matapos makipag sapalarang mabuhay upang lumaking kasama ang kanyang ina sa kabila ng ipinanganak ng premature ng 26 weeks. Ngunit dahil sa isang pagkakamaling naganap noong June 27, (gatas sa halip na saline solution ang dumaloy sa ugat ng bata) ang pakikipag sapalarang ito ng mag-ina ay tuluyang naglaho. Dalawang araw ang nakalipas, ay pumanaw na nga ang sanggol.

Sa isang panayam ng akoaypilipino.eu kay Jacquiline ay kanyang binasag ang katahimikang ito at sa unang-unang pagkakataon ay inihayag ang tunay na nararamdamang hapdi ng isang dalagang ina.

“Hindi ko po alam kung sino ang tinutukoy na sanggol sa lumabas na mga balita kahapon (lunes) ng umaga. Nagkaroon ako ng hinala na kaso ng aking anak ang kanilang tinutukoy ngunit napagtanto ko lamang ang lahat ng ito nang pinangalanan na kami ng press kahapon ng hapon at sa pagkakataong iyon ay aking nalaman ang tunay na naging dahilan ng pagkamatay ng aking anak."

Alas 5:20 ng umaga ng June 29 ng matanggap ni Jacquiline ang tawag buhat sa ospital na pumanaw na si Marcus. “Mancanza dell’ossigeno nel sangue che ha causato complicazioni e l’arresto cardiaco”, ito ang dahilang sinabi ng mga doktor at nurses kay Jacquiline ng dumating sa ospital ng umagang natanggap ang mapait na balita.

“Opo, inaamin ko na sinabi ko na hindi na kailangan ang autopsy dahil simula sa unang araw na na-confine ang aking anak ay aking nakita ang kanilang asikaso at bumuti ang sitwasyon ng aking anak, in fact tinanggal na ang respirator ng bata at sinabi pa sa akin ng mga duktor na walang ibang problema ang bata kundi ang pagiging premature lamang niya”. Patuloy sa pagsasalaysay ng dalagang ina. “Aking inisip na morte naturale ang naging sanhi ng kanyang kamatayan, kahit pa ako ay kinabahan dahil hindi nila masabi kung anong oras pumanaw ang aking anak”.

“July 3, kasama po ang aking mga tiyahin, kaibigan at pari ay nagmisa kami sa Santa Pudenzian, sa Via Urbana bago ihatid sa Prima Porta ang aking anak. Nagulat na lamang ako sa natanggap kong tawag ng Funeraria at sinabing kinuha ng mga carabinieri ang bangkay matapos namin itong iwan at sinabing ako ay makakatanggap ng tawag buhat sa Carabinieri ngunit tawag mula primario ng ospital ang aking natanggap bandang 9 ng gabi”.

Nang iyong natanggap ang convocazione buhat sa ospital, ano ang kanilang sinabing dahilan sa pagkuha ng bangkay ng iyong anak?

“Nakausap ko sina Direttore De Carolis, ang Primario, Dott. Palamides at kanilang ipinaliwanag na kinakailangang ipa-autopsy ang aking anak dahil nagkaroon ng denuncia buhat sa Direttore Sanitario ng ospital. Habang ang carabinieri naman ay sinabing hold nga raw ang cremation dahil mayroong investigation at gagawin ang autopsy na utos ng Procura di Roma”.   

Hindi ba sapat ang mga pangyayaring ito upang ikaw ay gumawa ng denuncia?

“Nang malaman ko po ang mga ito, ako po ay humihingi na rin ng opinyon sa aking lawyer at sinabing open na ang criminal case at gagawin din namin ang denuncia”.  

Sa mga akusasyon sa iyo bilang isang ina, ano ang iyong masasabi dito?

“Masakit na ang aking pinagdaanan, at natitirang pag-asa ko ay ang makapiling ang aking anak ngunit ito ay ipinagkait pa rin sa akin. Hindi madaling tanggapin ang pagkawala ni Marcus at lalong naging mabigat ito para sa isang ina na pinagkaitan ng makasama ang sariling anak ay pinagkaitan pa rin ng KATOTOHANAN sa pagpanaw ng sariling anak. KATARUNGAN at KATOTOHANAN ang hangad ko sa mga oras na ito. Dapat magbayad ang mga nagkasala”.

“Wala po sa mga plano ko sa kasalukuyan ang manatili sa bansang Italya para sa mahabang panahon, kung kaya napili ko po ang cremation upang ito ay maipadala ko sa Pilipinas at for financial reason din”.

Ngayon, araw ng Martes ay dumulog si Jacquiline de Vega, dala ang sakit ng mga pangyayari  sa Embahada ng Pilipinas at sa tulong ng Embahada ay ipararating ang kaso sa Ministry of Foreign Affairs.

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

FAQs ukol sa Regularization

Suspects sa pagkamatay ng sanggol, 20 na