in

‘Salon di Rhodora’ – kaganapan ng mga pangarap

Mayo 20, 2013 – Si Rhodora Laureta Tomas, dumating sa Italya noong 1989 at tulad ng lahat ng mga Pilipinong iniwan ang sariling bansa at pamilya, ay mithiing makapag- ipon upang maipagpatuloy ang nasimulang business na "Palay Buying Station" sa Munoz, Nueva Ecija para sa mas magandang kinabukasan ng dalawang anak, sina Ian Dean at Helen Grace.

Naging napaka-hirap ng mga unang taon ni Rori sa Italya, bukod sa pangungulila sa pamilya, ang adjustment period sa bagong pakikibaka sa buhay. Iniwan ni Rori ang pagnenegosyo sa Pilipinas kaya naman halos lagnatin sa hirap ng paglilinis ng tiles ng banyo sa kanyang unang trabaho, part-timer domestic helper. Ngunit buong tapang na hinarap ni Rori ang mga hamong ito at nagpatuloy sa kaganapan ng kanyang mga pangarap, una na dito ang makapiling ang kanyang mga anak sa Italya, taong 1995.

Hanggang sa nagpasya si Rori na pumasok sa driving school taong 2002, dahil na rin sa pangangailangan sa kanyang trabaho. Laking sorpresa ni Rori, sa kabila ng italian language na tunay namang mahirap matutunan, ay naipasa nya ang exam. Ito ang nagtulak at nagpalakas ng loob ng Pinay upang mag-isip para sa pagbabago sa kanyang pamumuhay sa Italya.

Taong 2002-2005 ay kumuha ng kursong Acconciatura o hair styling sa La scuola Associazione Academia 3f Studio di Roma. “Medyo nahirapan akong magdesisyon kasi kailangang iwanan ko ang mga part-time kong panghapon, pero dahil sa kagustuhan kong may marating at makapaghanapbuhay, iniwan ko ang part-time ko para magkaroon ng sapat na oras para sa kurso”, masayang kwento sa Ako Ay Pilipino ni Rori.

“Nagkaroon din ako ng difficulties sa italian language, pero hindi ito naging hadlang dahil ginamit ko ang araw ng linggo para makapag-aral ng wikang italyano sa Scuola Louis Massignon sa tulong ng Comunità di S. Egidio”.

Sakripisyo at pagsusumikap ang tanging naging focus ni Rori. Makalipas maipasa ang kurso ay nagpatuloy sa kanyang mga pangarap at kumuha ulit ng panibagong kurso, ang Pasticceria o bakery sa Scuola a Tavola con lo chef, kung saan naipagpatuloy ng Pinay ang kanyang hilig sa paggawa ng cakes at pastries. Samakatwid, “Naging extra income ko ito habang ako ay nag-aaral”.

Taong 2008 ay nagsimulang magtrabaho sa isang salon para sa karagdagang kaalaman at karanasan. Hanggang sa nagdesisyong maging isang ganap na entrepreneur si Rori. Kasabwat ang kapalaran, pinalad naman at natagpuan ang isang angkop na salon, para sa katuparan ng kanyang pangarap at malapit pa sa kanyang tirahan.

Bukod sa sapat ang naipon ay sapat din ang mga kwalipikasyong taglay buhat sa Regione Lazio, ay hindi naging mahirap ang pagkakaroon ng lisensya sa pagbubukas ng sariling salon at ang pagre-rehistro rin maging sa Camera di Commercio o Chamber of Commerce. Ngunit dahil sa kasalukuyang krisis, isang mabigat na pagsubok ang muling kumatok kay Rori. Hindi sapat ang kita para sa mga bayaring buwis at halaga ng renta ng salon, dahilan upang magdesisiyong lumipat ng salon.

Dala na rin siguro ng kanyang determinasyon, sa pamamagitan ng isang Taiwanese customer, na kanyang naging kahati sa salon at maging sa pagbabayad ng renta nito, ay binuksan na rin ng ‘Thai Massage’.

“Dito po nagsimula ang pag-angat ng aking salon. Pinanghahawakan ko lamang palagi ang kasabihan na Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa at Ang umaayaw ay hindi nagwawagi. Tuwing darating sa akin ang panghihina ng loob, dasal at dasal ang aking ginagawa na sana malampasan ko ang mga pag subok na ito. Tiyaga at sipag, araw-araw akong bukas at makalipas ang 2 1/2 yrs. Nag-bunga ang hirap at tyaga ko”.

Sa kasalukuyan, hindi lamang mga Pilipino bagkus mga Italians at maraming nationalities na rin ang kanyang mga customer. Nakikipag-sabayan na si Rori sa mga Italian parrucchieris. Kahit pa gabihin ay may ngiti sa labing umuuwi si Rori sa kanyang tahanan dahil sa magandang komento ng kanyang mga customer.

Patuloy pa rin si Rori sa mga specialization courses. Sa katunayan nasa second level na sya ng fitness and beauty course sa FPA Italia.

Buhat sa kanyang tinawag na black Monday sa kanyang buhay noon, ngayon ay gumigising siya ng puno ng pag asa, may sigla at tuwa sa pagpasok sa umaga. “Ang maipapayo ko lang sa inyo mga kabayan ko, una sa lahat ang pananalig sa Diyos, ikalawa ang mangarap at huwag panghinaan ng loob at ikatlo ay ang humanda sa ano mang pagsubok”, dagdag pa ni Rori.

Sana po ay inyong subukan at tangkilikin ang "Salon di Rhodora" matatagpuan sa Via Laura Mantegazza 12, sa Monteverde malapit sa San Camillo Hospital. (tel.o6-64006292- 3891875056)

“At may free beauty tips pa Kabayan! Ay naku no.1 ako diyan!”, masayang pagtatapos ni Rori.  (ulat ni: PG)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Butch Niccolo Lloren, Pilipinong kandidato sa Municipio IX

Pinoy, huli sa akto sa kalaswaan!