Ipinanganak sa loob ng isang kotse si Justin, sa Via Emilia (San Giuliano). Ang mga magulang : "Natakot kami noong una, at pagkatapos ay naisip naming isang di-pangkaraniwang pangyayari ito sa aming buhay”.
Milano, Marso 10, 2014 – Kasabay ng pinaghalong pangamba, takot at pagkalito ng amang si Bernard at ng inang si Magielyn, ay isinilang ang sanggol na si Justin, may bigat na 2 kilo at 850 grs.
Ayon sa report, nakatakdang ipanganak ang sanggol sa April 9, ngunit kaninang madaling araw ay nakaramdam ng matinding sakit ng tiyan si Magielyn. Hindi nag-atubili at sinabi ang nararamdaman sa asawa at sa kanyang ina. Mabilis namang kumilos patungong ospital ang buong pamilya ngunit bago pa man dumating sa ospital, sa bandang Via Emilia, ay handa ng lumabas sa mundo ang sanggol. Tumawag ng saklolo ang bayaw habang tinutulungan ni Bernard at ng kanyang ina si Magielyn. Mabilis na dumating ang mga volunteers ng Croce Rossa di San Donato at ang automedica. Ngunit bago pa man sila dumating ay isinilang na ang sanggol na si Justin. Ibinigay na lamang ang gunting ng boluntaryo kay Bernard upang putulin ang pusod ng sanggol. Isinugod sa pinakamalapit na ospital, Ospedale di Vizzolo Predabissi ang mag-ina.
Parehong nasa mabuting kalagayan ang mag-ina. “Sa loob lamang po ng 10 minuto ay naganap ang lahat”, masayang kwento ni Magielyn .
Ang pamilya ay residente sa San Donato kasama ang 3 pang anak: 2 lalaki at 1 babae. “Normal po ang aking panganganak sa 3 kong anak, ngunit ito po ay naging napaka bilis”, patuloy pa ni Magielyn.
Hindi rin pangkaraniwang pangyayari ito para sa mga volunteers na tumulong sa mag-asawa. “Karaniwang trahedya ang aming sinasaklolohan, nakakapangilabot na mga pangyayari, away o mga biktimang tinakbuhan – ayon sa isa sa mga boluntaryo ng Croce rossa – ngunit ito ay isang pangyayaring nagtatanggal ng aming pagod at nagpapakita ng positibong bahagi ng pagiging boluntaryo”.