Alam ng lahat ng mga Pilipino na ang buwan ng Mayo ay isa sa pinakamasayang panahon ng taon lalo na sa ating bansa. Pista ng mga patron ng iba’t-ibang barangay at mga bayan ang ipinagdiriwang sa buwang ito, bukod pa sa malaking kapistahan ng Pagkabuhay na madalas na napapaloob sa mga araw ng tinaguriang buwan ng mga bulaklak. Ngunit ang pinakamakulay na pagdiriwang ay ang tradisyunal na Santacruzan at Flores de mayo.
Ang makulay na pagdiriwang na ito ay bitbit rin ng mga pilipino sa kani-kanilang komunidad maging sa labas man ng kapuluan ng Pilipinas. Ngayong taon 2019, ang Sentro Katoliko Pilipino ng Sant’Andrea Filipino Community sa Empoliay umabot na sa ika-7 taon ng pagdiriwang ng Santacruzan at Flores de Mayo na dinaluhan ng maraming mga asosasyon mula sa iba’t-ibang panig ng rehiyon ng toskana.
Sa puspusang paghahanda ng komunidad, ang tanging pangamba ay nakatuon sa posibilidad na hindi matuloy ang ebento dahil sa walang tigil na pag-ulan. Ngunit laking pasasalamat ng lahat nang gumanda ang panahon noong araw ng linggo, ika-26 ng buwan ng Mayo. Gaya ng inaasahan ng lahat, ang selebrasyon ng pasasalamat at pagpugay kay Maria ay naging makulay at punong-puno ng buhay.
Ang Reyna Elena ngayong taon ay si Dominga Reintar-Rocetes mula sa Annak Ti Santa Catalina Group of Firenze. Retna de los Flores 2019 naman si Cheslly Escalonang Mindorenians Group of Firenze, samantalang ang gumanap na Constantino naman ay si Nicong Timpuyog Group of Florence. Tinatayang nasa apatnapung asosasyon ang nakiisa sa malaking pagdiriwang na ito. Espesyal na panauhin ng komunidad si MostReverendErnest Cardinal Simoning Titular Church of Santa Maria della Scala sam Roma, Rev. Superior General Rizalina Gutang ng Franciscan Sisters of the Transfiguration of Florence, at si Don Guido Engelsng parokya ng Empoli.
Sumunod agad ang tradisyunal prusisyon ng Santacruzan. Sa pagpapakita ng debosyon para sa mga patron ng kanilang bayan at sa Mahal na Birhen, ang mga asosasyon ay nagpugay at at nagpamalas ng pagmamahal at paggalang dala-dala ang mga imahen ng Inmaculada Concepcion (Bohol), Nuestra Senora de la Caridad (Ilocos), Our Lady of Casaysay (Batangas), San Agustin (Antipolo Alaminos), San Francisco de Paola (Mabini), Our Lady of Lourdes (Brgy Laurel), San Isidro Labrador (Quezon), Santa Catalina (Sta. Catalina, Ilocos Sur), at Nuestra Senora del Rosario de Caracol (Cavite)
Bilang Ama ng komunidad ng mga pilipino, ang Chaplain na si Fr. Cris Crisostomo ay nagiwan ng mensahe sa malaking komunidad na kanyang nasasakupan. Hinikayat niya ang lahat na itaguyod ang mga minanang kaugalian upang mas mapalalim ang pagmamahal sa Poon ng mga Kristiyano sa mapagpalang pamamagitan ni Maria. At Bilang mga anak na nagsusumikap mapalapit ng husto sa Inang Minamahal, inimbitahan ng butihing paroko na ipagpatuloy ang mga banal na gawain na turo at pamana ng Inang Simbahang Katolika.
Quintin Kentz Cavite Jr.