Naging bahagi na ng sangka-Kristiyanuhan ang tradisyong pagdaraos ng Flores de Mayo at Santakrusan. Maliliit mang baryo o malalaking siyudad sa Pilipinas ay pinagkakaabalahanan ito. Maging ang mga komunidad ng mga Pilipino saan mang dako ng mundo ay naglalaan ng araw para dito at sinusuportahan naman ng mga organisasyon at samahang relihiyoso.
Sa Bologna at sa iba pang siyudad sa Italya, halos magkakasabay na nagdaos nitong ika-27 ng Mayo, 2018, dahil ito ang huling linggo ng buwan kung saan maski sa Pilipinas ay siyang kulminasyon ng araw-araw na nobena at pag-aalay ng bulaklak sa Birhen Maria. Isinasabay na rin ang prusisyon ng Santakrusan kung saan ay masiglang nagpapartesipa ang mga bata, kadalagahan at kabinataan maging ang mga may edad na at siyang nagbibigay-buhay sa mga karakter o persona na nagsisimbolo sa mahahalagang bahagi ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo noong unang panahon.
Ang kahalagahan nitong pangrelihiyoso, historikal at pangkultura ay nabibigyang-pansin ng mga Pilipino lalo na para sa mga kabataang dito na lumaki sa Italya. Ang kuryosidad naman ng mga Italyano at ibang lahi na naririto at nakakasaksi sa prusisyon ay natutugunan lalo na kung sila mismo ay nagtatanong kung ano ba at para saan ang aktibidad na ito. Bawat personahe na kinakatawan ng mga sagala ay may kahalagahan, mula sa pagsisimula ng introduksiyon ng Kristiyanismo sa Pilipinas, hnaggang sa mga makasaysayang pangyayari ukol sa relihiyon at maging ang mga naging papel nito sa buhay ng Panginoong Hesukristo at Birhen Maria.
Ang Santakrusan sa Bologna ay sinimulan muna ng isang misa, sa konselebrasyon nila Father Dominic Derramas at Mon. Stefano Ottani na isa sa vicar general ng Diocese of Bologna. Pagkaraan ng misa ay ang prusisyon na lumibot sa sentro ng siyudad at nagtapos din sa simbahan ng San Bartolomeo. Doon ay nag-alay ng mga bulaklak ang Reyna Elena at ang mga sagala .
Ang buong aktibidad ay pinamahalaan ng EL SHADDAI DWXI-PPFI Bologna sa pamumuno ng kanilang coordinator na si SIS LYNN LOPEZ. Sinuportahan din ng Couples for Christ at ng mga organisasyon sa ilalim ng FEDFAB (Federation of Filipino Associations, Bologna) sa pangunguna ng bagong pangulo na si VIRGILIO CESARIO. Ang naging Reyna Emperatriz ay si LIEZL GONZALES, samantalang si CHIARA LOUISE FERNANDO ang Reyna Elena, kasama ang Constantino na si SACH HIDALGO. Ang iba pang mga bata, mga sagala at konsorte ay mula sa iba’t ibang organisasyon at mga pamilya na patuloy sa kanilang pakikibahagi sa mahalagang selebrasyong idinaraos taon-taon. Ang mga kasama sa prusisyon ay nakasuot din ng mga tradisyonal na damit-Filipiniana. May mga arko at mga payong din na pinalimutian ng mga gayak na bulaklak. May ilang miyembro din ng El Shaddai at Couples for Christ na bumibigkas ng Rosaryo, umaawit ng Marian songs at tumutugtog sa musiko sa kahabaan ng prusisyon.
Tunay nga na ang mga Pilipino, saan man makapanirahan, may mga tradisyon at kultura pa ring pinahahalagahan at ipinagpapatuloy. Hangad pa rin na ito ay maipamana sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino na nasa ibang bansa tulad dito sa Italya. Bagama’t may mga pagbabago na sa ilang bahagi kung paano iselebra, ang adhikain nito na mapalalim ang panananampalataya sa Diyos at mapaunlad ang samahang Kristiyano ay naroon pa rin .
Dittz Centeno-De Jesus