in

SANTO ROSARIO FAMILY NG FIRENZE, NAGDAOS NG “KARAKOL”

Sa ikalawang pagkakataon ay muling nasaksihan sa Italya ang pagdaraos ng “karakol” noong nakaraang Oktubre sa Circolo di Ponte Ema sa Via Chiantigiana na matatagpuan sa siyudad ng Firenze.  Ang nabanggit na "karakol" na ito ay tumutukoy sa isang nakaugalian na relihiyosong tradisyon na taunang isinasagawa bilang pagbibigay pugay sa imaheng patron ng Rosario, Cavite, ang Nuestra Señora Virgen del Santissimo Rosario Reina de Caracol. Ito ay ang pagsasagawa ng isang hindi pangkaraniwan na prusisyon, dahil imbes na palakad ay  iniiikot habang isinasayaw ang imahe ng birhen na sinisimulan sa dagat at itinutuloy hanggang sa mga kalsada ng nasabing bayan.  Ang nasabing ikot ng “karakol” ay karaniwang nagtatapos sa simbahan para sa pag-aalay ng isang banal na misa ng pasasalamat. 

Marami at iba’t-ibang bersyon ang pinaniniwalaan ng mga taga-Rosario sa tunay na pinagmulan ng “karakol” sa bayang ito.  Isa sa pinakasikat na bersyon ay nang diumanong nakita ang imahe ng birhen ng mga kabataan na inaanod malapit sa dalampasigan ng bayang ito daan daang taon na ang nakalipas.  Kanila daw itong paulit-ulit na itinago ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan, patuloy naman itong natatagpuan na himalang palutang-lutang sa may dalampasigan na parang nakikipaglaro.  Agad na kumalat ang balitang ito sa buong bayan at sa tindi ng pananampalataya ng mga tao sa bayang ito, ginawa nilang santong patrona ang nasabing imahe at nagsimula na rin silang magsagawa ng prusisyong pasayaw na kinalaunang tinawag na "karakol".  Ang salitang “karakol” ay hango sa salitang español na “caracol” na may kahulugang “snail” o “suso” sa Tagalog.   Inihahalintulad kase sa lakad ng “suso” ang pag-usad ng “karakol” dahil ito ay isinasagawa ng pa-urong sulong na may kabagalan.

Katulad ng kauna-unahang “karakol” na naganap nang nakaraang taon, naisakatuparan ito sa  pagpupursige ng Santo Rosario Family ng Firenze sa pangunguna ni Mr. Erick Abutin kaagapay ang kanyang maybahay na si Ms. Arlene Abutin at kaisa-isang anak na si Rio.  Kinamulatan na ni Erick ang “karakol” sa Rosario, Cavite, at bilang isang deboto ng Mahal na Birheng Santo Rosario, may panata siyang ipagpapatuloy ang “karakol” saan mang panig siya ng mundo mapunta.  Kaya naman nang nabigyan siya ng pagkakataon sa Firenze na muling ipagpatuloy ang kanyang panata, kanyang binuo ang grupo ng Santo Rosario Family.  Hindi man eksaktong maihahalintulad kung paano isinasagawa ang “karakol” sa Rosario, Cavite kung saan ito orihinal na nagsimula, malaki na rin ang pasasalamat ng pamilya Abutin dahil maituturing na rin nila ito na isang napakalaking biyaya mula sa itaas.  Taong 2005 nang mapalad silang nakapagdala sa Firenze ng isang “replica” ng Nuestra Señora Virgen del Santissimo Rosario Reina de Caracol na siya naman nilang iniiikot at ipinapanhik sa iba’t-ibang tahanan ng mga pamilyang Pilipino upang makapiling din nila ang  Mahal na Birhen.

Naging isang espesyal na petsa ang araw ang Oktubre 6, 2013 para sa mga Pilipinong dumagsa at naging bahagi ng “karakol” sa Firenze.  Ito ay sinimulan ng isang banal na misa sa pangunguna ni Father Crisostomo Cielo Crisostomo, Chaplain ng Sant’Andrea Filipino Community, Empoli.  Nagdatingan din para makisaya at maging bahagi ng selebrasyon ang ilang mga performers na nagmula pa sa iba’t-ibang lugar:  Ms. Camille at Ms. Chloe Cabaltera (Montecatini), Mr. Jojo at Ms. Vickie Villanueva (Rome), Mr. Alfonso Salem (Terni), Ms. Sarcie Benliro (Rome) at Mr. Chris at Ms. Michelle Alonzo ng Firenze.  Nakita ding dumalo si Mr. Nelson Rabang ng CONFED, Timpuyog-Firenze, mga members ng DGPII-PISA Chapter at mga kasapi ng FilCom Empoli. Naging bahagi ng pagdiriwang ang pagpapakita sa isang film clip presentation na matiyagang inihanda ni Mr. Samuel Tamayo.  Ito ay tumalakay sa kasaysayan ng “karakol” at ng Santo Rosario Family ng Firenze.  Isang malaking kontribusyon ni Mr. Rommel Tecson ang pangunguna sa dekorasyon ng Circolo di Ponte Ema, ang lugar kung saan idinaos ang nasabing “karakol”.  Nagkaroon din ng partisipasyon sa event ang “Vivi Made in Italy” sa pangunguna ni Sig.ra Cinzia de Rosa na nag-provide ng lahat ng mga materyales na kinailangan sa pagpapaganda ng Circolo. 

Ang malaking tagumpay ng “karakol” sa Firenze ay resulta ng magandang samahan, kaisahan at tulungan ng mga kasaping pamilya ng Santo Rosario Family – Firenze.  Bawat isa sa kanila ay nagkaroon ng malaking partisipasyon mula sa preparasyon at paghahanda nito hanggang sa mismong araw mismo ng selebrasyon.  Isang samahan na ang tanging inspirasyon ay ang pagmamahal sa Mahal na Birhen ng Santo Rosario at sa “karakol”.(ulat ni: Rogel Esguerra Cabigting)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

3 Italyano, binugbog ng 20 Pinoy, matapos bastusin ang 1 Pinay

Halalan sa Roma ng mga Consiglieri Aggiunti, itinakda