in

Seasons of Love Concert for a Cause, tagumpay!

Seasons of Love, ang Concert for a Cause ng San Raffaele Arcangelo Choir sa pakikipagtulungan ng mga kaparian ng Ponteficio Collegio Filippino.

 

Roma, Nobyembre 11, 2016 – Isang pambihirang benefit concert ang itinanghal ng San Raffaele Arcangelo Choir sa maagang pagdiriwang ng ika-21 taong anibersaryo ng San Raffaele Arcangelo Filipino Catholic Charismatic Community na pinamumunuan ni Lina Maliglig at ng Spiritual Director nito na si Fr. Alex Zamora. 

Naisakatuparan ang Seasons of Love Concert for a Cause sa pakikipagtulungan ng Ponteficio Collegio Filippino sa pangunguna ng Rector nito, Fr. Gregorio Ramon Gaston. 

Bukod sa SRA Choir, tampok ng nabanggit na konsyerto ang Our Lady of Lourdes Choir at sina Kathy at Mark ng Loved Flock Community

Mainit ang naging tugon ng sambayanan, filcoms at mga indibidwal sa panawagang suportahan ang pag-aaral ng mga Pilipinong pari sa Roma mula sa iba’t ibang inisyatiba hanggang sa ginanap na konsyerto sa Ponteficio Collegio Filippino kamakailan, kung saan ang karamihan ay bukas-palad na nagbigay ng donasyon.

Sa tulong ng mga pari tulad nina Fr. Jocson Ogaya, ang over-all Director, Fr. Nathaniel Gentizon ang Choreographer at nina Fr. John Burgos, Fr. Dominic Derramas, Fr. Reupert Garcia at Fr. Edcel Cabanas, taglay ang mala-anghel na mga tinig, naghandog ang SRA Choir ng mga religious songs tulad ng I Believe, Ave Maria, We are One at iba pa. Hindi rin nawala ang mga Christmas songs lalo na’t malamig na at ramdam na ang papalapit na pagdiriwang ng Pasko. 

Tampok rin ng konsyerto ang mga talentadong mag-aaral na pari ng Collegio na hindi nagpahuli sa kanilang husay sa pag-awit, pagsayaw at pagtutog ng mga instrumento. 

Lubos naman ang pasasalamat ng panauhing pandangal na si Cardinal Luis Antonio Tagle sa maagang handog pamasko ng mga tumulong at sumuporta sa adhikaing matulungan ang mga nag-aaral na pari ng Collegio. 

Ang Pasko ay panahon ng pagdating sa ating puso ng Panginoon. Ito ay panahon ng pagbabahagi: ng biyaya, pagmamahal, ngiti at anumang bagay na galing sa kaibuturan ng puso. Sa katunayan, pag Pasko ay ating naaalala sa pagdiriwang ang mga taong malayo sa atin o ang mga mahal sa buhay na wala na”, ayon sa Cardinal. 

Salamat sa inyong tulong sa Collegio at huwag ninyong kalimutan ang iba pang nangangailangan ng inyong atensyon at tulong”, dagdag pa ng Cardinal bago magpatuloy sa kanyang awiting handog sa komunidad ang “Prayer of Saint Francis” at para sa kapaskuhan ang ikawalang awiting “Christmas in our Hearts”. 

Bukod sa konsyerto, mayroong iba’t ibang inisyatiba ang komunidad upang makalikom ng halagang magagamit sa pag-aaral ng mga pari. 

Kami sa SRA Choir, bukod sa pagbibigay ng ilan sa amin ng 8 euros kada buwan para maging bahagi sa pag-aaral ng mga Pilipinong pari ay nag-isip pa ng ibang paraan para makatulong”, ayon kay Mirasol dela Cruz, isang miyembro ng Choir ng SRA.

Simula May 2016 sumadya kami sa ilang communities at habang kumakanta kami ay nagpapaikot kami ng basket. Kaya hindi pa nag-uumpisa ang concert ay nakalikom na kami ng higit sa 1000 euros

Naisipan din namin na ihandog ang binabalak namin na anniversary concert para madagdagan ang pondo ng mga pari”, ayon pa kay Mirasol. 

Bukod pa sa mga nabanggit ay gumawa rin ang SRA Community ng ‘big 40’ na bukal sa pusong magbibigay ng donasyon. 

Walang pag-aatubiling sumuporta naman ang mga piling kaibigan, kapatid sa pananampalataya at mga active communities sa Roma. 

It’s a great privilege and honor for the Karilagan Singers to be invited to participate in the fundraising concert for the Collegio Filipino priests. Thanks to SRA Gospel Choir, for making us a part of this noble endeavor. We’re looking forward to more collaboration in the future”; ayon kay Noel Parin, ang presidente ng Karilagan Choir. 

Nagpapasalamat ang SRA Choir sa lahat ng mga sumoporta at sa Collegio sa pagkakataong ibinigay sa amin. Nagpapasalamat rin kami kay Fr.Richard Eleazar sa kanyang tulong kahit sa aming concert noong 2012 at kay Arnel Francisco,  dating miyembro ng San Tomaso choir sa Milan na matiyagang tumulong sa aming paghahanda sa concert na ito”, pagtatapos pa ni Mirasol. 

 

 

ulat ni: PGA

larawan ni: Rem Amboy

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bagong panuntunan sa pagpasok at paninirahan ng mga seasonal wokers, inaprubahan

Anabel Mayo, isa sa 100 Most Influential Filipina sa Mundo