in

Selebrasyon ng ika-121 taong Araw ng Kalayaan, tagumpay sa Ravenna

Bago pa magtapos ang Hunyo na  tinaguriang buwan ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, matagumpay na naidaos ang selebrasyon sa rehiyon ng Emilia Romagna. Ito ay isa sa mga pangunahing layunin ng ERAFILCOM o Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities, ang makapagdiwang nang sama-sama ang mga komunidad ng mga Pilipino mula sa mga miyembrong organisasyon nito.

Nasa ikalawang taon na ang pagkakaisang ito ng mga Pilipino sa rehiyon. Matatandaang sa Reggio Emilia ang unang pagkakataon na isinagawa nila ito, sa pakikipagkoordinasyon ng Bahaghari Association sa pamumuno ni Daisy del Valle. Sa taong ito ay tatlong organisasyon ang namahala, ang Mabuhay Associazione Italo Filippina in Romagna sa pamumuno ni Fhely Gayo ng Ravenna, Filipino Community Romagna Chapter (FCRC) sa pangunguna ni Divine Bulseco ng Rimini at ang Filipino Community- Forli/Cesena nila Florian Arandela.

Ang programa ay idinaos sa makasaysayang Parco Rocca Brancaleone sa Ravenna nitong ika-23 ng Hunyo, 2019, Linggo, mula ika-10 ng umaga hanggang ikalima ng hapon. Ito ay dinaluhan ng mga miyembrong organisasyon ng ERAFILCOM, pati na ng mga iba pang nagsidayo upang maki-selebra.

Nagkaroon muna ng isang parada mula sa palibot ng Parco Rocca papasok sa parte nito na napalibutan ng mga kubol na ginayakan ayon sa tema ng ebento at kulturang Pilipino. Kasama sa parada ang sampung asosasyon, na kinabibilangan ng Federazione Associazione Filippine ng Modena, Federation of Filipino Associations of Bologna, Filipino Christian Community in Bologna at Filipino Women’s League ng Bologna , Filipino Community Romagna Chapter  ng Rimini, Mabuhay Associazione Italo-Filippina ng Ravenna, Bahaghari Association ng Reggio Emilia, Filipino Community  Forli-Cesena,  Circle of Friends at Filipino Association ng Ferrara. Kasama rin sa parada ang Knights of Rizal sa pangunguna ng tagapagtatag nito na si Emerson Malapitan at siya ring pangulo ng ERAFILCOM at ang pangulo ng OFW WATCH Italy na si Rhoderick Ople.  Kabilang din sa parada ang VIS-MIN Group na sinasabayan ng indak ang pagparada. Nagsidalo din ang grupo ng TGBI-TO, VITA Association, Comunita Filippina di San Pellegrino ng Forli, iba pang panauhing nagsilbing hurado sa paligsahan at mga isponsor.

Ang palatuntunan ay sinimulan  sa pag-awit ng Lupang Hinirang at L’ Inno Di Mameli na sinundan ng pambungad na panalangin ni Fr. Roger Cabillo (OSM) ng Basilica Santuario San Pellegrino Laziosi. Binigyang –parangal din ang pambansang bayaning si Gat Jose Rizal sa pamamagitan ng pag-aalay  ng bulaklak ng mga pinuno ng Knights of Rizal, Kababaihang Rizalista at mga opisyal ng ERAFILCOM at Ofw Watch Italy.

Nagbigay ng maikling pahayag si Pangulong Rhoderick Ople na nagbigay-diin sa karapat-dapat na pagtatanggol ng soberenya ng bansa at ng mga mamamayan nito. Hindi sapat na iselebra ang kalayaan taon-taon kung sa bawat araw ay mayroong naaapi, naalipusta at napapabayaan. Aniya, “Noong araw, pumapasok pa lamang ang mga dayuhang mananakop sa ating karagatan ay nanindigan na ang ating mga ninuno na ipagtanggol ang bansa, sana ngayon ay ganun din ang gawin na pakikipaglaban para mapanatili ang soberenya ng ating bansa….”

Maganda rin ang naging pahayag ng bisita mula sa Comune Di Ravenna, si ASSESSORE MASSIMO CAMELIANI, na napakahalagang bagay ang magkasama-sama ang mga Pilipino mula sa iba-ibang syudad at probinsiya ng Rehiyong Emilia Romagna, maayos ang nagiging integrasyon at pagkakaisa ng mga komunidad at naipapakita pa ang kulturang Pilipino  at selebrasyon ng kalayaan.

Samantala, ang inaasahang panauhing tagapagsalita, si Consul General Irene Susan Natividad ng Phillippine Consulate of Milan, ay hindi nasaksihan ang matagumpay na okasyon, bagay na ikinalungkot ng mga opisyal ng ERAFILCOM, maging ng mga namahala sa okasyon at mga nagsidalo.

Ngunit hindi ito naging hadlang para di maging masigla ang okasyon dahil hitik ang selebrasyon sa mga pinaghandaang presentasyon ng bawat miyembrong organisasyon pati na ng mga bisitang mang-aawit at mananayaw.

May mga nagpamalas ng mga katutubong sayaw na nagrerepresenta ng bawat probinsiya ng Pilipinas, makatotohanang dula na tumatalakay sa buhay-OFW, madamdaming pagbasa ng tula at interpretasyon nito, masiglang sayaw sa Sinulog, pag-awit ng mga kantang Tagalog, pagsayaw ng Zumba at iba pa.

Nagkaroon din ng paligsahan sa pinakamagandang presentasyon at pinakamasasarap na katutubong kakanin na pinanalunan ng Filipino Association of Ferrara at maging ang Best in Barong Tagalog at Best in Filipiniana Attire ay nakopo din ng grupo, sina Norman Camacho at Joemonette Dionzon Tosatti.

Ang pinakatampok namang tropeo ay nakuha ng delegasyon ng Bologna na binubuo ng tatlong miyembrong organisasyon, ang FEDFAB, FWL at FCCB. Pinakamagandang disenyo ng kubol at akma sa tema ng okasyon, “Tapang ng Bayan, Malasakit ng Mamamayan” kung saan ay itinampok nila ang ayos ng isang sulok ng tahanang Pinoy na may display ng  kasuotang baro at saya , mga produktong katutubo at may pagpaparangal sa  mga “Kababaihan ng Malolos” na pinapurihan ni Rizal dahil sa angking tapang nila na hilinging magkaroon ng laya ang mga kababaihan na makapag-aral upang maging mulat at edukado. May guhit din ng larawan ni Jose Rizal at Apolinario Mabini na gawa ng kabataang si Maribel Naungayan.

Binigyan din ng mga Sertipikato ng Pagpapahalaga ang mga naging panauhin, mga isponsor , mga organisasyon at mga indibidwal na nagsitulong para sa ikatatagumpay ng ebento. Ang mga guro ng palatuntunan ay sina Che-Ann Cotoniel at Gilbert Perez.

Ang huling bahagi ng programa ay ang pagbibigay ng premyo sa mga nanalo sa raffle  at ang pagbubunutan para sa susunod na host ng selebrasyon sa taong 2020. Ang mapalad na nakabunot ay ang Modena Group. Kaya magkikita-kitang muli, magkakaisa at sama-sama muling iseselebra ang Araw ng Kalayaan sa Rehiyon ng Emilia Romagna para sa Hunyo , 2020.

 

 

Dittz Centeno-De Jesus

Mga Kuha:

      Gianfry Nepitali

      Gene de Jesus

      Jeff Belo

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Hindi nagbayad ng kontribusyon ang aking employer, nanganganib ba ang aking permit to stay?

Trio Match sa ika-7 anibersaryo ng Knights Bowlers sa Roma