Isang Pinoy ang arestado sa Roma matapos matagpuan ng mga carabinieri ang ilang pakete ng shabu na nakahanda nang ipamahagi sa kanyang mga kliyente. Upang hindi mahalata ay maingat na ibinalot ito ng tulak sa ilang christmas gift wrappers.
Sa pagroronda ng mga alagad ng batas ay napansin ng mga ito ang kakaibang kilos ng suspek nang mamataan ang kanilang presensya. Wala umanong lumabas na kakaiba sa kanilang isinagawang paunang inspeksyon. Ngunit hindi nakuntento ang mga pulis dahil sa kahina-hinalang pagkabalisa ng Pinoy. Sa puntong ito nila binuksan ang dala-dalang regalo na maayos ang pagkakabalot. Sa halip na aguinaldo sa Pasko, ang laman ng dala ng Pinoy ay 35 gramong shabu. Nakuha din ang aabot sa 90 euro cash na pinaghihinalaang mula sa napagbentahan ng iligal na droga.
Matapos makuha ang pagkakakilanlan ng 38-anyos na Pinoy ay napag-alaman ng mga carabinieri na may iba pa itong hinaharap na mga kaso. Ang natimbog na pusher ay sinampahan ng kasong may kinalaman sa iligal na droga at kasalukuyang nasa ilalim ng house arrest. Sa panahon ng kapistahan ay nakaalerto ang mga kapulisan at mas pinaigting ang kanilang presensya sa mga pampublikong lugar upang mas mapangalagaan ang seguridad ng mga mamamayan. (Quintin Kentz Cavite Jr.)