in

Si Ben at ang kanyang matagumpay na pagbabalik Pilipinas

Si Ben at ang kanyang matagumpay na pagbabalik Pilipinas

Pinapangarap mo ba ang magkaroon ng isang matagumpay na pagbabalik sa Pilipinas matapos ang maraming taon ng pamamalagi at pagtatrabaho sa ibang bansa? Syempre, oo ang sagot ng karamihan lalo na at pinag-ukulan mo ito ng seryosong pagpaplano.

Isa sa kanila ay si Benildo Pabilona Pasco, kilala sa palayaw na Ben, 46 taong gulang at taga-San Gabriel, San Pablo City, Laguna. Siya ay dumating sa Italya noong Hunyo taong 2003. Namasukan siya bilang taga-linis ng bahay at opisina, babysitter, caregiver at cat/dogsitter, kargador at tindero sa palengke, cook at dishwasher at ang pinakahuli ay ang pagiging real estate agent. Lahat na yata ng pwedeng maging trabaho ay nagawa na niya. Bagama’t tapos ng Electrical Engineering Technology sa TUP Manila at BS in Industrial Technology, major in Electricity sa LSPU San Pablo Campus, hindi niya ganap na nagamit ang pinagtapusan. 

Sa loob ng labing-isang taong pamamalagi sa Italya, di niya ginalaw ang naipon niyang pera mula sa mga nabanggit na trabaho. Ang tawag nga niya dito ay “invincible savings”. Nang matantiya niya na makasasapat ito para makapamalagi ng isang taon sa Pilipinas, nagpasiya na siyang bumalik noong Enero 2014.

Nagbukas siya ng maliit na negosyo, ang BEN’S Bakeshop, pero sa sinamaang-palad ay di naging matagumpay kaya matapos ang anim na buwan ay sinara na niya ito. Labis na kalungkutan ang nadama niya pero ang kanyang panuntunan sa buhay ay “Laban lang at huwag magpapatalo”. Kaya nag-isip siya ng ibang ideya na inenegosyo at ‘yung sorbetes o gelato ng Italya ang napagtuunan niya ng pansin. Sa Italya nga naman ay kahit malamig ay may gelato, sa Pilipinas pa kaya na laging mainit ang klima?

Sinimulan niya ang Ben’s Halo-Halo Ice Cream at nag-klik ito dahil sa kakaibang toppings nito gaya ng itlog na maalat at sili. Nakilala ang Spicy Winter Halo-halo at Salty Summer Halo-halo at dinayo na ng mga mahilig sa ganitong meryenda. Mayroon din silang macapuno con yelo, banana, mais at langka at iba pang snacks.

Kakambal ng pagnenegosyo ang mga problema at hamon kaya naman nakahanda ang kanyang loob sa pagharap sa mga ito. Pinagdaanan niya ang pagiging one-man team kung saan siya lahat ang gumagawa at nag-aasikaso. Nang magkaroon na ng sapat na kita ay kumuha na rin siya ng mga tauhan. Sa ngayon ay may limampung empleyado na siya at bukas na rin sila for franchising. Mayroon silang mga franchise branches sa Batangas, Laguna, Cavite, Quezon, Nueva Ecija, Tarlac, Bulacan at sa NCR.    

Masasabi ngang matagumpay ang pagbabalik-Pinas ni Ben. Naniwala siya sa kanyang kakayahan at sa mga oportunidad na matatagpuan sa Pilipinas. Isang magandang halimbawa para sa mga nagnanais na sumubok na mag-for good na sa sariling bansa. 

Sabi nga niya, “Laban lang po tayo at literal na isapuso ang salitang pag-iipon. Maging gutom sa kaalaman at magkaroon ng positibong pagtingin sa ating bansa. Huwag ding makikinig sa mga taong walang kaalaman.  Kasi wala kang makukuhang magandang payo mula sa kanila at wala ding magiging maayos na resulta ito.”

Ang kanyang inspirasyon ay ang kanyang maybahay na si Shiermaine Torrizo Pasco at ang kanilang tatlong anak, sina Shiemaiah Bienne, 2 taon, Savanna Bienne, 1 taon at Selina Bienne, 3 buwan. Sa kanyang pagtatagumpay, kasama niya ang kanyang mga empleyado at ang kanilang mga pamilya.

Nakatutuwang isipin na sa simpleng ideya ng Halo-Halo, nagkaroon ng pagbabago ang kanilang pamumuhay. Kalakip ang determinasyon, kababaang-loob at patuloy na pagdadagdag ng kaalaman at kakayahan, di malayo ang pagkakamit ng tagumpay. (Dittz Centeno-De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Aksidente sa trabaho, biktima ang isang Pinoy sa Milano

ako-ay-pilipino

Reddito di Emergenza 2021, paano mag-aplay