Kinaugaliang unang simbang gabi sa Duomo sa Milan, nasa ikapitong taon na!
Milan, Enero 7, 2015 – Ang simbang gabi ay nagsimula noong ika-15 ng Disyembre 2014 dito sa Italya, bagaman sa Pilipinas ay sinisimulan ito mula ika-16 ng Disyembre.
Siyam na gabi ng pagsisimba ng mga deboto na karaniwang ginagawa ng mga katoliko at mga aglipayan na noo’y sa Pilipinas lamang ngunit sa kasalukuyan ay ginagawa na halos sa bawat sulok ng mundo kung saan mayroong overseas filipinos. Ang ika-siyam at pinaka-huling gabi naman ay tinatawag na Misa de Gallo.
Sa Milan, sa pangunahing katedral, ang Duomo, ay dumagsa ang mga religious groups at mga deboto hindi lamang mga Pilipino bagkus pati ng ibang lahi.
Ikinatuwa ni Monsignor Mario Delpini, Vicario Generale della Diocesi di Milano na syang namuno sa unang simbang gabi. Ayon sa kanya, napakaganda ng ‘nostalgia’ o pananabik ng mga pinoy sa pasko sa Pilipinas at patuloy na ginagawa ang kinagisnang paniniwala. Inaasahan din ni Monsignor na maging saksi ang mga Pilipino sa pananampalataya ng mga katoliko sa mga bansang nasasakop ng Europa.
Ayon kay Efren Montillana, ng Filipino Catholic Community of Milan at overall coordinator ng ika-7 taong pagsasagawa ng unang simbang gabi sa Duomo Cathedral, sa pakikipagtulungan din ng Philippine Consul General of Milan: “Ito ay taunang ino-organise ng mga leader ng Filipino community, kasama ang kanilang mga spiritual director upang lahat ng mga Pilipino ay magtipon-tipon sa cathedral sa unang simbang gabi”.
Sa panayam kay Maritess Daag, President ng FCSL sinabi niya na napakaganda ng pangitain para sa mga Pilipino dahil tanging tayo lamang ang nakakapag-simba sa pangunahin cathedral sa Milano para sa unang simbang gabi.
“Bago magsimula ang misa, ay nag-paparada ang bawat religious groups dala ang kani-kanilang mga banners, ang iba’t ibang choir mula sa kabataan hanggang adults ay may partisipasyon.”
Sa pagtatapos ng misa ay tahimik na nilisan ng mga Pinoy ang banal na lugar. Sa labas naman ng simbahan, ilang grupo ng kabataan ang kinantahan ng mga Christmas carol ang mga chaplaina at religious leaders kasabay ang kinaugaliang pagbibigay ng aginaldo na siyang ikinatuwa naman ng mga ito.
Sa ikalawa hanggang ika-siyam na simbang gabi, ang bawat community ay nagtatakda ng kanilang oras at araw sa kani-kanilang simbahan o parokya hanggang sa sumapit ang araw kapanganakan si Hesu Kristo.
Chet de Castro Valencia