Kahapon, Sept. 6 ay muling sumalang sa 69° Mostra del Cinema di Venezia si Brillante Mendoza para sa kanyang pinakahuling film, Sa Iyong Sinapupunan (Thy Womb), na ginampanan ni Nora Aunor.
Venice, Sept. 7, 2012 – Ang Philippine delegation para sa pelikulang Sinapupunan ay binubuo nina Brillante Mendoza, ang producer Larry Castillo, screen writter Henry Burgos, ang co-stars na sina Lovi Poe at Mercedes Cabral at ang superstar na si Nora Aunor para isa sa pinaka mahalagang competisyon sa Europa “La Biennale di Venezia”.
Ang Sinapupunan ay isang kwento ng buhay ng isang midwife, si Shaleha Sarail, isang Badjao ng Tawi Tawi. Sa kabila ng maraming ina na ang kanyang tinulungang magluwal ng anak, ay hindi naman ganap ang kanyang pagiging asawa dahil sa hindi nya mabigyan ng anak ang kanyang pinakamamahal na kabiyak at dahil dito ay pumayag si Shaleha na humanap ng isang ‘angkop na ikalawang asawa’ para sa kanyang kabiyak upang bigyan ito ng anak. Matapos ang mahabang panahon ng paghahanap sa isang dalaga ay mahapding tinanggap ni Shaleha ang hamong ito sa kanyang buhay.
“Ang pelikula ay naglalarawan ng isang tunay na pagmamahal ng asawa at ang pagiging handa nitong gawin anumang bagay para sa ikaliligaya ng kabiyak”, kwento ni Ate Guy sa akoaypilipino.eu. “Hindi ako ganito sa totoong buhay, ako ay selosa”, sagot ni Ate Guy sa katanungang nakita ba nya sa kanyang sarili ang ginampanang role.
“Ipinakita sa film na ito ang realidad na kahit sa ating mga Pilipino ay tila ipinagkait ipaalam ng tadhana. Ang tunay na ganda ng natura sa Tawi Tawi, ang mga Badjao na walang takot na hinaharap ang buhay sa kabila ng mga hadlang at hirap ng pamumuhay ay pilit na tumatayo na walang halong paghihiganti ay hinaharap ang buhay, bukod pa sa kanilang makulay na kultura at tradisyon”, pagpapaliwanag ng direkor na si Brillantes Mendoza, ang nanalong Best Director sa Cannes film festival noong 2009.
Ayon naman sa script writter na si Henry Burgos, “Dumaan kaming lahat sa isang proseso; pinag-aralan namin muna ang komunidad, ang kanilang araw-araw na pamumuhay. Samantala si Ate Guy naman ay pinag-aralan din kung paano ang magpa anak ng sanggol. Ang nakita sa pelikula ay walang halong anumang special effects”, pagmamalaking kwento nito.
Matapos ang 30 minutos na press con na ginanap sa Palazzo del Casinò na dinaluhan ng napakaraming journalist na mula pa sa iba’t ibang parte ng mundo ay pinagkaguluhan naman ang Philippine delegation ng mga paparazzi para sa mga interviews. Lubos ding hinangaan ang dalawang naggagandahang Pinay beauty bago rumampa sa red carpet para sa screening ng “Sinapupunan”.
Mainit din ang suporta ng buong komunidad sa delagasyon, maging si H.E. Ambassador Reyes ay nagtungo rin sa Venice.
Nanatiling naghihintay tayo ng mga susunod na kaganapan sa gagawing Awarding and Ceremony nights sa darating na Sabado, Sept. 8.