Sinisikap ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo ang sabay-sabay na ipagdiwang ang Sinulog tuwing ikatlong Linggo ng Enero. Ito ay tanyag bilang isang malaking atraksyon lalong lalo na sa Cebu. Partikular, ang nasabing festival ay dala-dala ng mga Pilipinong deboto ng Santo Niño saan mang lugar bilang tanda ng matatag na pananampalataya.
Ang Sinulog Festival ay matagumpay ding itinanghal sa Roma ng Sentro Pilipino Chaplaincy sa pangunguna ng Worship Commission.
Matapos ang pagdiriwang ng banal na misa ay ginanap ang Sinulog 2023 sa Santa Pudenziana Grounds.
Ang tema ay “Santo Niño: Aming Kapayapaan, Pag-ibig at Pag-asa Tungo sa Pagsasabuhay ng Isang Tunay na Pananampalataya”.
Nagkaroon din ng pagbabasbas sa mga imahe ng Santo Niño mula kay SPC Chaplain, Rev. Fr. Ricky Gente, CS. At pagkatapos nito ay sabay-sabay na nagpugay ang mga deboto sa Santo Niño. Kasabay nang masayang tugtog ng tambol, ang paggalaw ng dalawang hakbang paharap kasunod ng isang paurong, sabay ang pagsigaw ng “Viva! Pit Señor! Señor Santo Niño”!.
Walong grupo ang mga lumahok sa Sinulog: 1) Ninos Pequenos at ang reyna ay si Cassandra Caringal, 2) SPC Family Ministry at ang reyna ay si Ria Ysabelle Malabanan, 3) Verbo Divino Filipino Community at ang reyna ay si Marites Pascua, 4) Soul Squad na binubuo ng West & North Clsters and friends at ang reyna ay si Maria Fatima Perez, 5) Devotees of Nuestrea Senora de Penafrancia at ang reyna ay si Che Ariza De Sussy, 6) Santa Maria delle Grazie Filippino Community at ang reyna ay si Syria Jane Lai, 7) Pinoy Teens Salinlahi at ang reyna ay si Chanel Itchon, at 8) Liturgical Commission Group at ang reyna ay si Hanna Morales.
Bagaman walang kumpetisyong naganap, ang naging presentasyon ng walong grupo ay hinangaan ng mga dumalo.
Bago tuluyang matapos ang pagdiriwang ay nagbigay ng pananalita si SPC Vicar Rev. Fr. Ronan Ayag, CS ukol sa paggunita sa mahalagang araw ng pagsisimula ng Kristiyanismo sa ating bansa. Aniya “Hindi lamang ito isang masiglang selebrasyon kundi pagsasabuhay ng tunay na mensahe ng Kristiyanismo. Ito ay ang pagpapalaganap ng matibay na pananampalataya sa Diyos at ang pagkakaisa ng mga Pilipino saan mang panig ng mundo”.
Malugod naman ang pasasalamat ni Sister Maria Divina Montayr, RVM ang SD ng Worship Commission, kasama ang mga Coordinators na sina Rowena Mendoza at Liza Racadio, sa SP Chaplaincy at sa lahat ng tumulong upang maisakatuparan ang Sinulog sa Roma. Aniya
“Mula sa pagsasanay para sa kani-kanilang presentasyon, pagbuo at paglikha ng mga makukulay na kasuotan at mga gamit, paghahanda sa lugar na pinagdausan, pag-imbita sa mga komunidad at mga samahan, pag-ingganya sa mga isponsor, at pagtutulong-tulong ng bawat miyembro at ng mga opisyal. Ang lahat ng mga ito ay naging susi sa isang matagumpay na ebento”.
Sinundan ang pagdiriwang ng masaganang salu-salo. (PGA)