in

Sinulog festival, muling ginunita sa Venice

Ang Sinulog ay isa sa pinakamalaki at pinakamakulay na pagdiriwang na isinasagawa tuwing buwan ng Enero kada taon bilang pagpupugay sa mapaghimalang Santo Niño.

Sa Pilipinas, ang Sinulog ay sikat at isang malaking atraksyon lalong lalo na sa Cebu at ang nasabing festival ay dala-dala ng mga pilipinong deboto ng Santo Niño saan mang dako ng mundo ang mga ito mapunta. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit mas lalong nakikilala ang sinulog na may mayaman na kasaysayan. Matatandaang nagsimula ang tradisyong ito noong sinakop ng mga Kastila ang Pilipinas at dala-dala ni Ferdinand Magellan ang imahe ng batang Hesus upang maipakilala ang relihiyon ng kristiyanismo. 

Ngunit para sa mga taong hindi pamilyar sa kapistahang ito, ano nga ba ang ibig sabihin ng sinulog? Bagamat hindi na bago ang katagang ito sa mga tenga natin ay inaamin ng marami na hindi umano nila alam ang kahulugan nito. Ang sinulog ay hango sa salitang “sulog” o agos ng tubig. Dito kinuha ang ritmo ng pagsayaw ng mga debotos ng Santo Niño, ang paggalaw ng paatras at paabante. Kasabay ang tugtog ng tambol, ang mga mananayaw ay gumagalaw na may dalawang hakbang paharap kasunod ng isang paurong, kasabay ang pagsigaw ng “Viva! Pit Señor! Señor Santo Niño”!.

Ang komunidad ng mga Pilipino sa Venice ay hindi nakalimot sa kanilang mahal na Niño. Sa ikalawang pagkakataon ay inorganisa ang kapistahang ito para sa taong 2020. Ilang buwan pa lamang bago dumating ang naitalang araw ng okasyon ay sinimulan na ang lahat ng paghahanda, mula sa pagpapatala ng mga sasali sa gaganaping selebrasyon hanggang sa gagawing pagaayos ng simbahan para sa kapistahan ng Señor Sto. Niño na inihanda sa pakikipagtulungan ng Pastoral Councilmembers na sina Marivic HalunajanLalaine Padallan,Gigie BayucanEstrelita Eligioat ng Vizmin and Friendsng Veneto. 

Ginanap ang Sinulog Festival sa Venice noong ika-26 ng Enero sa Chiesa della Fava na matatagpuan sa Campo della Fava sa Castello Venezia. Pangalawang taon na itong sinulog na ginagawa ng komunidad sa Venice. Sa pangunguna ni Ms. Milagros “Bebot” Recimellaay nagkaroon ng ideya ang komunidad sa lugar na ito na magsagawa ng sinulog. Bago pa man magkaroon ng sarili nilang sinulog ang mga taga Venice ay dati nang sumasama ang ilan sa mga ito sa mga nakaraang festival na ginanap sa loob ng rehiyong Veneto. Sa ginawang festival ay tampok din ang tatlong reyna na ginampanan nina Pet Chua,Yunalesca Pasionat Quem Malinay. Nagpaunlak naman sa paanyaya ng komunidad ang ilang kinatawan ng iba’t-ibang sektor sa teritoryo ng Veneto.

Naging panauhin sina Don Adriano Serrang simbahan ng Sacro Cuore di Maria sa Mestre, at Presidente ng Avis na si Patrizia Springolo. Nagpamalas din ng suporta ang mga kababayang pinoy na nagmula pa sa Padova, Belluno, at mga karatig bayan. Ang pagdiriwang ay pinangunahan ng Filcom Chaplaincy ng Venezia sa pangangalaga ni Father Erwin Manalang bilang punong Chaplain ng Venezia at ni Fr. Enrico Balderama. Nakiisa din ang filipino community sa Mestre, Venezia, at sa Terraferma na pinamumunuan ni Quintin Madrigal Malinay Jr., ang grupo ng El Shaddai ng Fava at Altobello Choir , ang Tribù Fava, Tribù Altobello at Tribù Vizmin & Friends. Masayang nagsibalikan sa kanya-kanyang mga tahanan ang mga dumalo sa makabuluhang pagdiriwang na ito na siksik ng saya at espiritu ng kapistahan. Ang pagdiriwang na ito ay isang tanda ng pasasalamat sa Poong Maykapal at pagpapahalaga sa kultura na taas noo nating ibinabandila saan mang panig ng mundo. (ni: Quintin Kentz Cavite Jr. Photo credit: MicaSea Miming)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Rides for a Cause para sa Taal, mula Yonip Scoot Roma

TGBI-TO Bologna Chapter, nagdaos ng unang Anibersaryo