in

SINULOG FESTIVAL SA ROMA, SELEBRASYONG PUNONG-PUNO NG SORPRESA

Ang mga karaniwang nakikilahok sa SINULOG ay kadalasang sumasayaw ng paurong-sulong kasabay sa tiyempo ng tambol habang sumisigaw ng “Pit Señor!

Isang selebrasyon ng SINULOG FESTIVAL ang nasaksihan sa Chiesa Santa Marcella sa Via Dandini sa mismong siyudad ng Roma nitong nakaraang Enero 16, taong kasalukuyan.  Ang nasabing pagdiriwang ay pinangunahan ng mga bumubuo ng Pundok ni Pedro Calungsod Filipino Community sa pangangasiwa ni Ms. Fe Acut, kasalukuyang coordinator ng komunidad.  Ang komunidad ng Pundok ni Pedro Calungsod ay kinabibilangan ng mga Pilipinong tubong Bisaya, marami ang mga nagmula sa mismong siyudad ng Cebu at sa iba pang karatig-isla nito sa kabisayaan.  Karamihan sa kanila ay matagal ng deboto ng Sto. Niño o ni Beato Pedro Calungsod.  Isang banal na misa ang idinaos na pinangasiwaan ni Father Eduard Caraan, isang paring tubong Bohol bilang parte ng selebrasyon.  Ang banal na misa ay agad sinundan ng Sinulog Festival kung saan ipinarada ang sagradong imahen ng Sto. Niño kasabay ang mga tunog ng tambol, palakpak at hiyawan ng “Pit Señor!”

Ang salitang “Sinulog” ay  nagmula sa salitang Cebuano na may ibig sabihin na “tulad ng agos ng tubig.”  Tinutukoy dito ang urong-sulong na laktaw at padyak kung paano isinasayaw ang sinulog.  Ang mga nakikilahok sa sinulog ay kadalasang sumasayaw ng pasulong at paurong kasabay sa tiyempo ng mga tambol, trumpeta at iba pang mga katutubong instrumento.

Ayon sa kasaysayan, nang dumating sa isla ng Cebu ang Portugeseng manlalakbay na si Ferdinand Magellan noong Abril 7, 1521, ang Pilipinas ay kaniyang inihayag na parte na ng teritoryo ng Espanya.  Nang araw din iyon, pagkatapos magtayo ng krus sa pampang ng Mactan si Magellan, isinunod na nito ang pagbinyag sa mga namumuno noon sa isla kasama ang humigit kumulang na mga 800 katutubo sa relihiyong Katoliko Romano, kung saan masasabing pinagmulan ng kasaysayan ng kristiyanismo sa ating bansa.  Sinasabing hinandugan ni Magellan ng imahen ng Sto. Niño si Hara Amihan, asawa ni Rajah Humabon, na noon ay pinakamataas na namumuno sa isla.  Si Hara Amihan noon ay pinangalanang Queen Juana, bilang paggunita ng mga kasila sa ina ni Haring Carlos I na noon ay nanunungkulang hari ng Espanya.  Sinasabi din na habang tinatanggap ni Queen Juana ang sagradong imahen mula kay Magellan, siya ay napasayaw sa sobrang kaligayahan habang tangan-tangan sa kanyang mga braso  ang imahen ng Sto. Niño.  Siya ay agad-agad na sinundan at ginawang halimbawa ng iba pang mga katutubong naroroon, at ang tagpong iyon ang itinuturing na kauna-unahang sinulog sa bansa. 

Magmula pa noong taong 1521 hanggang sa kasalukuyang panahon, madalas na makikita ang pagsasadula sa tagpong isinasayaw habang iniikot-ikot ni Queen Juana ang imahen ng sagradong Sto. Niño sa mga selebrasyon ng Sinulog.  Sa paglipas ng maraming taon, lalo pa ring dumami ang mga deboto ng Sto. Niño at Sinulog na itinuturing sa ngayon na isa sa mga makulay at importanteng pambansang selebrasyon tuwing sasapit ang buwan ng Enero.

Sa mga deboto ng sagradong Sto. Niño na kasalukuyang naghahanapbuhay at naninirahan sa Roma, isang selebrasyong punong-puno ng sorpresa ang inihanda ng komunidad ng Pundok ni Pedro Calungsod bilang paggunita sa pagsilang ng kristiyanismo sa bansa sa pamamagitan ng Sinulog Festival.  Isa sa masasabing sorpresa sa selebrasyon ay ang partisipasyon ng ating kasalukuyang Ambasadora sa Holy See, Ambasadora Mercedes Tuason na nagpahayag ng kanyang kasiyahan sa nakitang pagdiriwang.  Maituturing din na isang sorpresa ang pagdalo ni Mr. Louie Brazil na naghandog ng dalawang makapigil-hiningang mga awitin, ang “Nessun Dorma” at “Ikaw”.  Ang mismong emcee ng programang si Ms. Zeny Baro ay nagpahayag din na ang nasabing selebrasyon ay walang konkretong programa, kaya “anything goes” lahat.   Maging ang mga seminaristang naroroon ay hindi napigilan na makipag-kumpitensiya sa pag-indak ng Pundok ni Pedro Calungsod Dancers, “Sinulog” man o “Waka-Waka” ang tugtog na musika.  Ang batang-batang si Megan Pamplona, anak ni Ms. Marivic Pamplona, isa sa mga aktibong miyembro ng komunidad, ay humataw din sa lahat ng tugtuging narinig.

Sa lahat po ng kaanib ng Pundok ni Pedro Calungsod Community, muli po tayong magkikita-kita sa susunod na SINULOG FESTIVAL sa Enero ng susunod na taon.  “Pit Señor!”

Rogel Esguerra Cabigting

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

FAQs (FREQUENTLY ASKED QUESTIONs) ukol sa DIRECT HIRE 2011

Mga katanungan? Sagot mula sa Linea Amica Immigrazione