in

Sipag, Tiyaga, at Diskarte: Ang Tagumpay ni Ringgo Romero Anacan

Mula sa pagiging domestic helper sa Italya hanggang sa pagiging CEO ng Kabutihan Farm, founder ng Kabutissimo Foundation, at ngayon ay owner ng Kabayan Hub Office sa Roma, patunay lamang si Ringgo Romero Anacan na walang imposible sa taong may determinasyon. Sa edad na 45, dala niya ang mahahalagang aral mula sa kanyang masalimuot na karanasan patungo sa tagumpay.

“Kahit gaano ka pa magsipag, kung hindi mo pinapahalagahan at inilalagay sa tamang pagpupundar ang iyong kinikita, mananatili kang luhaan,” ani Ringgo.

Noong 2000, nagdesisyon si Ringgo na mag-abroad patungong Italya gamit ang pekeng pasaporte, sa kagustuhan ng kanyang ama na makaahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Bagamat pangarap niyang maging doktor, hindi siya pinalad makapasa sa board exam matapos magtapos ng BS in Physical Therapy.
Lumaki siya sa kahirapan bilang pang-apat sa magkakapatid. “Sa halip na bola ang hawak, pagbibilang ng saging ang palaging inaatupag,” pagbabalik-tanaw niya.

Sa Italya, nagsimula si Ringgo bilang domestic helper at caregiver. “Maraming luha, kumapal ang kalyo, at halos mawalan ng pag-asa,” kwento niya. Ngunit imbes na makaipon, nalulong siya sa barkada at bisyo.

Sa paglipas ng mga taon, napagtanto niyang hindi nakakayaman ang pag-aabroad. “Na-scam ako ng Tatay ko,” birong sabi niya. Sa kabila ng triple kayod, lubog siya sa utang at walang ipon. Dito niya naranasan ang diskriminasyon—hindi sapat ang may pinag-aralan.

Isang araw, nagising si Ringgo na nais niyang baguhin ang takbo ng kanyang buhay. “I had to empty my cup,” sabi niya. Natutunan niya na ang tamang edukasyon, kaalaman, at mindset ang susi sa tagumpay.
Nagsimula siyang mag-invest sa real estate—ang inspirasyon niya ay ang kanyang Italian employer. “I asked my employer, ‘How come you retired so young and became rich?’ Ang sagot niya, ‘Real estate.’

Mula sa isang property, naging dalawa, tatlo, at ngayon ay hindi na mabilang ang kanyang mga ari-arian. Tinawag niya ang sarili bilang isang “Crazy Real Estate Investor.

Nilunok ko ang pride ko at inamin na kulang pa ang aking kaalaman sa pamamahala ng pera,” sabi niya. Nag-aral siya online, umatend ng libreng financial literacy seminars, at nakinig sa mga testimonya ng mga OFW na nagtagumpay.

Dahil dito, naging inspirasyon niya ang mga kababayang walang tigil ang pagbanat ng buto para sa pamilya.

Upang maibahagi ang mga biyaya, taong 2008 itinatag ni Ringgo ang Kabutihan Foundation, na kasalukuyang sumusuporta sa 29 scholars sa high school at kolehiyo sa Pilipinas.

Bukod dito, siya rin ang may-ari ng 3-hectare Kabutihan Farm sa Cavite, na tumutustos sa kanyang scholarship program sa pamamagitan ng mga produktong gaya ng Kabutihan Burgers, mushroom chips, at iba pang ani.

“We share our blessings and spread kabutihan,” ani Ringgo. Naniniwala siyang bawat isa, anuman ang antas ng buhay, ay kayang magbigay ng mabuting epekto.

Patuloy ang hangarin ni Ringgo na maging inspirasyon sa kapwa OFW. “Umaasa akong kahit isa o dalawang OFW ay may mai-inspire ng aking kwento,” aniya.

Sa pagtatapos, binigyang-diin niya ang halaga ng pagbabago ng mindset sa pera at ang tamang blueprint sa negosyo. “Sa biyaya ng Diyos, patuloy akong nagtatanim at nagbabahagi ng kabutihan sa mga kababayan natin—sa Pilipinas man o abroad.”

Kaugnay nito, magbubukas din ang Kabayan Hub sa pagsapit ng bagong taon sa Roma, sa pangunguna ni Ringgo. Ito ay bilang bahagi ng kanyang layunin na magbigay ng de-kalidad na serbisyo para sa mga kababayang Pilipino. Mula sa legal at immigration consultations hanggang sa travel at ticketing services, maaasahan ang Kabayan Hub Team bilang kaagapay sa bawat hakbang.

Ang kwento ni Ringgo Romero Anacan ay patunay na sa sipag, tiyaga, diskarte, at tamang mindset, walang imposible sa taong may pangarap at malasakit sa kapwa.

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 5]

Pag-iwas sa utang at Pagbabayad ng mga utang, Ugaling Pinoy bago magtapos ang taon!

Ivanah Crystal Briones, nasawi sa sunog sa Torino dahil sa kanyang kabayanihan