Bagamat hindi masyadong napapansin ang softball sa larangan ng isports lalo na sa mga komunidad ng mga Pinoy sa Italya, hindi ibig sabihin nito na wala sa mga kababayan natin ang may hilig sa larong ito. Mayroon tayong mga teams na paminsan-minsan ay nagkakaroon ng pagkakataon na mag-ensayo kasama ang kanilang mga kaibigan o kapamilya na may kaparehong hobby. Ilang palaro na ang inorganisa taon-taon sa ibang bahagi ng bansa para lamang di tuluyang mawala ang pagkahilig sa larong softball ng ating mga kababayan.
Sa taong ito ay napagdesisyonan ng mga aficionados ng softball sa Firenze, sa pangunguna ni Mario Nario, na magdaos ng isang mini-tournament nitong Nobyembre na sinalihan ng ilang softball teams: ang Mabinians, Lipa, Illustrados, at Siena. Sa one day league na ito ay nagwagi ang team ng Mabinians na sinundan ng Lipa, samantalang 3rd ang illustrados at 4th ang Siena.
Bunga ng magandang performance ng mga manlalarong Pinoy sa Campo Cerreti, sila ay naanyayahang sumali sa 3° Torneo Memorial Massimo ROGAI sa Firenze na inilunsad noong ika-18 ng buwan ng Nobyembre. Ayon sa mga organizers, ang maimbita sa tournament na ito ay isa ng karangalan para sa mga atleta.
Bago pa man magsimula ang liga ay mapapansin na ang bandila ng Pilipinas na masiglang wumawagayway at matibay na naiposisyon ng mga atleta sa malapit sa softball field.
Ang koponan ng mga Pinoy ay binubuo ng labinlimang manlalaro, isang “selection team” na kinabibilangan ng mga manlalarong mula sa Milano, Modena, Valdarno, Empoli at mga players mula sa Firenze na kabilang sa team ng Mabinians. Ang Team Pilipinas ay nabuo sa pamamagitan ng Team coordinator na si Mario Nario.
Dahil sa malawak ang pinagdausan ng palaro ay dalawang matches ang isinagawa na magkasabay sa sistemang “round robin”. Ang mga nakalaban na philippine pride ay ang Padule Sestese, Rogai Friends, at Bar Cheers na kinabibilangan ng mga manlalarong Americans, Italians, at Cubans.
Nagpakitang gilas at galing ang mga Pinoy sa halos lahat ng innings hindi lang sa pagpalo kundi pati na rin sa pagpukol, salamat din sa gabay ng playing coach na si Joel Bacay. Hanggang sa huling laro ay naghakot ang mga ito ng tagumpay.
Si final game ay nagharap ang Team Pilipinas at ang Padule Sestese Team makaraang magsipagwagi ang mga nabanggit sa kani-kanilang mga nakatunggali sa mga naunang laban. Sa pagtatapos ng paligang ito ay itinanghal na Champion ang Team Pilipinas na sinundan ng Padule Sestese. Pangatlo ang Squadra Rogai Friends, at pangapat ang Team ng Bar Cheers. Inaasahang magkakaroon pa ng ibang mas malalaking kompetisyon sa larangan ng softball na muling sasalihan ng Team Pilipinas sa Italya at muli nilang taas noong dadalhin ang matingkad na kulay ng Perlas ng Silangan.
Team Coordinator: Mario Nario – Florence
Manager/Sponsor: Ramil Villanueva – Florence
Playing Coach – Joel Bacay- Florence
Assistant Playing Coach : Ronelio Leynes- Florence
PLAYERS
Herbert Samson – Empoli(FI)
Kevin Villanueva… Florence
Duval Manigbas.. Florence
Vispo – Valdarno
Joel Abanador – Modena
Garcia – Florence
Gregorio – Florence
JM Castillo – Florence
Allan Espiritu -Florence
Jhomel Anitohin – Modena
Magpantay – Milan
Mercado – Milan
Patrick Silang – Florence
Ronald Anitohin – Modena
Quintin Kentz Cavite Jr.