Isa na namang magandang balita para sa mga OFWs na miyembro ng Social Security System.
May ilan-ilan din sa ating mga OFWs na miyembro ng SSS sa Pilipinas ang nakahiram sa iba’t ibang loans dati ngunit napabayaan o naging delinkwente na sa pagbayad nito. Sadyang sayang nga naman kung tila naging collateral na ang mga kontribusyon natin dito habang hindi natin nababayaran at baka pagdating ng araw ay maubos lamang ang ating kontribusyon at wala tayong mapala sa huli. Pero, heto na ang magandang balita. Ang SSS Loan Condonation Program, na dati nang nailunsad noong taon hanggang Abril 2009, ay extended na hanggang katapusan ng taon!
Base sa rekomendasyon ng Social Security Commission nitong Pebrero at ang sumunod na pag-sangayon at pag-apruba ng Pangulong Arroyo nitong ika-7 ng Abril, ang may mga delinkwenteng loans sa SSS ay patatawarin at hindi na papatawan pa ng anumang penalty. Ang panibagong extension na ito ay matatamasa hanggang sa katapusan lamang ng taong ito.
Ayon sa ating SSS Representative dito sa Roma, ang mga miyembrong OFW dito sa Roma na gustong lumahok sa programang kondonasyon na ito ay maaring sumadya sa kanilang tanggapan sa Window 6 ng Philippine Overseas Labor Office ng Philippine Embassy. Humingi lamang ng Application for Penalty Condonation at kayo’y gagabayan rito kabilang na rin ang serbisyong SSS Flexi-Fund o di kaya ang pagpapatuloy ng membership dito sa Italya kung ito ang nais ninyo. Maaring tawagan ang tanggapan ng SSS para sa katanungan o karagdagang impormasyon sa 06-39721505. Para naman sa pangkalahatang impormasyon at balita tungkol sa SSS, maaring bistahin ang website nito sa www.sss.gov.ph.