Milan, Abril 3, 2014 – Isang simpleng handaan sa taunang piyesta ng Barangay Sto.Tomas Batangas ang idinaos sa Milan kamakailan.
Ang grupo ng Sto.Tomas Aquinas Association, Milan ay nabuo sa pamamagitan nina Vener Cabrera, Louie at Levy Aniban, Juanito Reyes at Edgar Salazar bilang mga founders. Sa kasalukuyan, mayroong 20 hanggang 30 miyembro nito ang nanatiling aktibo sa mahigit labing-limang taon na.
Bago simulan ang programa ay nag-misa ang mga taga Barangay Sto. Tomas sa Parrochia Immacolata Concezione sa Piazza Frattini, Milan sa pangunguna ni Father Rudy Maramba. Doon ay pinabasbasan din ang imahe ng Sto. Thomas.
Ayon kay Cabrera, napakasimple lamang nang kanilang pagdiriwang, gayun din ng hapag tuwing piyesta, salamat sa pagkukusa ng bawat miyembro na makapag-ambag sa pagdiriwang o sa pagkukusang-loob ng mga non-members na mag-sponsor sa kanilang selebrasyon.
Sa kabila nito “hindi kami nakakalimot sa pagbibigay yearly ng aming mga donasyon sa aming patron sa bayan namin,” ayon kay Cabrera.
Hindi umano nagsasagawa ng mga proyekto para sa kanilang bayan ang grupo bagkus ay ibinibigay ng buong-buo sa simbahan ng Sto. Tomas Batangas ang donasyong nalilikom at ang simbahan na mismo ang bahalang gumamit sa paraang makabuluhan para sa proyekto ng simbahan. Inihalimbawa pa ni Cabrera ang pagbibigay ng donasyong pinambili ng mga chandeliers para sa simbahan.
Maganda ang relasyon ng Sto. Tomas Aquinas Association sa ibang mga grupo sa Milan. Sa katunayan, sila ay nakikipag-tulungan sa anumang bagay.
Bilang pagtatapos, ipinagmalaki ng grupo na ang bayan ng Sto. Tomas ay nalalapit na ring maging isang ganap na siyudad. (Chet de Castro Valencia)
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]