in

SUMMER ART WORKSHOP, ISINAGAWA SA BOLOGNA

Isang Summer Art Workshop ang ginanap sa Bologna nitong nakaraang Agosto.

Septiyembre 3, 2014 – Ang ALAB SUMMER ART WORKSHOP with DANDY ROBOSA ay ginanap ng limang araw noong nakaraang buwan, Aug. 2, 8, 15, 22 at 29. Ito ay sa inisyatiba ng pangulo ng ALYANSA NG LAHING BULAKENYO (ALAB), si Dittz Centeno-De Jesus, kung saan nakiisa at nagbahagi ng kanyang panahon at talento ang kilalang Pilipinong pintor mula sa Firenze, si Dandy Robosa.

Layunin ng workshop na maituro sa mga kabataan ang mga pangunahin at mahahalagang teknik sa pagguhit at pagpinta. Bukod dito, ang higit pang mapaunlad  ang taglay na talento sa larangan ng sining. Isa rin itong paraan upang itanim sa isipan ng mga kabataan ang pagiging produktibo at ang pagkakaroon ng hangarin na maipakilala sa host community ang kakayahan ng mga Pilipino.

Sa unang sesyon noong ika- 2 ng Agosto na ginanap sa Giardini Margherita ay dumalo ang mga kabataang may edad na 9 hanggang 21. Sa sesyong ito ay itinuro ni Dandy ang pundamental ng pagguhit gamit ang lapis at charcoal. Sa ikalawang sesyon naman ay ang pagpinta mula sa aktwal na bagay gamit ang water color at tempera, gamit rin ang iba’t-ibang teknik o paraan para maabot ang magandang resulta ng pintura. Sa ikatlo at ika-apat na sesyon ay gumamit na ng acrylic at oil paint at itinuro na ang pagpipinta ng still life o natura morta. Partikular sa ika-apat na sesyon ang komplekadong komposisyon ng still life o gamit ang maraming kombinasyon ng prutas at mga bagay na may ibat-ibang hugis.

Ang ikalima at panghuling araw ng workshop ay naging kasabik-sabik sa lahat dahil dumayo ang grupo sa via Santo Stefano, Sette Chiese kung saan sila ay nagpinta ng isang bahagi ng plasa nito.

Matapos ang maigsing pagpapaliwanag ni Dandy, bitbit ang kani-kanilang cavalletto, canvas at iba pang mga gamit ay sinimulan ang kani-kanilang sketch at nagpinta hanggang katanghaliang-tapat. Maraming mga Italyano at ibang dayuhan na una’y naki-usyoso lamang ngunit sa bandang huli ay  humanga na rin sa kanilang ginagawa.

Maraming kababayan nating Pilipino ang natuwa at pumuri sa inisyatiba at umaasa na magkakaroon muli ng ganitong uri ng aktibidad. At sa madaling-salita, nagbunga ang gawain ng mga kabataang may interes sa sining ng pagpipinta.

“Hindi ito ang pagtatapos ng workshop bagkus ay simula pa lamang at dapat ipagpatuloy ang pagsisikap na lalong matuto pa. Ang sama-samang pagguhit at pagpipinta ay nakakatulong mapaunlad ang kaalaman at kakayahan at makaka-anyaya rin ito sa maraming kabataan na magkahilig sa pagpipinta”, ayon kay Dandy bago tuluyang magtapos ang sesyon.

Para kay Dandy at sa pamunuan ng ALAB, tunay na nagbunga ang kanilang pagsisikap na maipakilala ang arte ng pagpipinta dahil nahikayat ang marami, hindi lamang mga kabataan, na pagyamanin at ibahagi ang taglay na talento at umaasa sa mga susunod pang workshop tulad nito.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

VOTE FOR VIGAN AS NEW 7 WONDERS – CITIES

Knights of Rizal sa Europa, nagtipon sa Italya