in

SUMMER PALARO 2012 ng REGGIO CALABRIA, matagumpay na naidaos

Layunin ng “Summer Palaro 2012”  na lalo pang patatagin ang kaisahan, magandang samahan at  pagkakaibigan ng mga Pilipino sa rehiyon ng Reggio Calabria, kasama na rin ang Messina at Cosenza sa pamamagitan ng isang masayang sports competition

Reggio Calabria, Agosto 22, 2012 – Matagumpay at maayos na naidaos ang pagbubukas ng “Summer Palaro 2012” ng Reggio Calabria noong ika-12 ng Agosto 2012 sa Palestra Piero Viola (Scatolone) sa Via Stadio A Valle na matatagpuan sa mismong sentro ng siyudad.  Bakas na bakas sa mga mukha ng mga nagsipagdalo sa nasabing  okasyon ang matinding kasiyahan.  Kitang-kita na sinasamantala nila ang ganitong mga hindi pangkaraniwang  pagtitipon sa Reggio Calabria para makisaya at makisalamuha sa iba pang mga Pilipinong naroroon.

Ganap na alas tres ng hapon nang ang isang makulay na parada na kinatatampukan ng iba’t-ibang kasaling koponan ng basketball at volleyball ang nasaksihan sa nasabing stadio.   Ito ang hudyat na pormal nang binubuksan ng Unified Filipino Workers (U.F.W.) of Reggio Calabria sa pangunguna ni Ms. Cely Madula, Presidente ng asosasyong U.F.W., ang “SUMMER PALARO 2012”.  Naging kaagapay niya si Mr. Rey Lapitan Rebudal na tumayo naman bilang Overall Chairman ng palaro.  Todo suporta din sa proyektong palaro ang iba pang mga opisyales at miyembro ng asosasyon.

Layunin ng nasabing palaro na lalo pang patatagin ang kaisahan, magandang samahan at  pagkakaibigan ng mga Pilipino na kasalukuyang naninirahan at naghahanap-buhay sa rehiyon ng Reggio Calabria, kasama na rin ang mga karatig-pook nito tulad ng Messina at Cosenza sa pamamagitan ng isang masayang sports competition.  Anim na koponan ang magtutunggali para sa basketball competition: W.W.C.F., GREYHOUNDZ (Messina), YETSBO, BLACK KNIGHTS, PASAWAY, at TIKYBOYZ, samantalang apat naman ang maglalaban-laban para sa volleyball: D’BEERERS, PHONGKANA, BHONIK, at BATANGUENA.  Tinatayang tatagal ng mahigit isang buwan ang palaro at ito’y inaasahang magtatapos sa mga kalagitnaan ng buwan ng Setyembre.

Sana ay mapanatili ng ating mga kababayang Pilipino na nasa Reggio Calabria ang kanilang matibay at maayos na pagtitinginan sa bawat isa.  Mabuhay po ang mga Pilipinong nasa Reggio Calabria!  Mabuhay ang mga Pilipino saan mang dako ng mundo sila naroroon. (ni: Rogel Esguerra Cabigting)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Panawagan ng CONFEDERATION AT KONSULADO sa mga Ofws ng Toscana

Produktibo at masaya ang 9th year anniversary celebration ng UGOFW-SIENA