in

SUMMER PALARO ng FILCOMFEDSI dinagsa; ACF-Messina, over-all champion ulit!

Ang one-day league ng FILCOMFEDSI ay isinagawa bilang pagbibigay importansya sa pagkakaisa, pagkakaibigan at pagsasamahan ng mga comunità ng pederasyon sa paggunita sa Kasarinlan at pagsalubong sa tag-init ngayong 2016.

 

Reggio Calabria, Hunyo 22, 2016 – Mahigit isang libong katao ang dumagsa sa “Summer Palaro” ng Filipino Communities Federation of South Italy o FILCOMFEDSI na ginanap sa Centro Sportivo Viola, Reggio Calabria nitong linggo, Hunyo 19, 2016. 

Sakay ng nirentahang mga pullman mula Napoli, Cosenza, Salerno, Catania, Palermo, Catanzaro at Messina ang karamihan ng mga kabataang manlalaro, mga muse at escort ng bawat team, mga magkakaibigan, pamilya  at magkababayang nagsilbing “cheerers” sa mainit at masayang sagupaan ng walong koponan sa larangan ng basketball at women’s volleyball.

Ayon kay Joel Manuel, presidente ng FILCOMFEDSI, ang one-day league ay bilang pagbibigay importansya sa pagkakaisa, pagkakaibigan at pagsasamahan ng mga comunità ng pederasyon sa paggunita sa Kasarinlan at pagsalubong sa tag-init ngayong 2016.

Binigyang-diin ng federation president na ang aktibidad ay bilang pagpapahalaga at pagsangkot sa mga kabataan sa pamamagitan ng isports upang ipadama na ang hangad nilang nakatatanda ay ang kapakanan, kalusugan at kinabukasan ng mga ito.

Patuloy anyang magsasagawa ng tulad nitong aktibidad ang pederasyon.

Ang FILCOMFEDSI ay itinatag noong taong 2010, walong lugar na sa south Italy ang aktibong kasapi at patuloy pa itong nadadagdagan.

Ang mga ito ay ang Filcom-Napoli 1977 na pinamumunuan ngayon ni Melujean Galapon; Filcom-Reggio Calabria (Filcom RC-Casimiro Sibayan); Filipino Workers Association Cosenza (FWAC- Jun Rafanan); Filcom-Salerno, Italy (FCSI-Villamor Velasco); Associazione Comunitaria Filipina-Messina-(ACF- Monserrat “Monsie” Montemayor); FAC o Filipino Association Of Catania (Ma. Filipina Viray); Gruppo Dell’Associazione Filippine di Catanzaro (GAFIC-Arcadia Saniano) at, Philippine Don Bosco Association-Palermo (PDBA-Armand Curameng).

Sa taong ito, muling pinatunayan ng mga manlalaro ng Associazione Comunitaria Filippina o ACF-Messina na wala pa ring makakatalo sa kanila, basketball man o women’s volleyball. 

Ayon kay Henry Aquino, founder at incoming president ng FILCOMFEDSI, ito na ang ikatlong pagkakataon na nag overall champion ang ACF-Messina sa mga liga.

Hindi naman naging madali para sa Messina bago nila nakuha ang kampeonato dahil bawat segundo ay pinahalagahan ng PDBA-Palermo na humamon sa ACF-Messina ng pabilisan sa pag-agaw at shoot ng bola maging sa spiking, serving at strategizing ng volleyball para makapuntos.

Subalit mas nasa kundisyon si playing coach William Alcantara (Messina) upang talbugan ang maliliksing manlalaro ng team ni coach Lito Malalad ng Palermo sa  basketball. 

Third place ang host Reggio Calabria, fourth place ang Napoli.

Dahil matagal na pinaghandaan ni coach Dott. Jeffrey Padul (Messina) at ng kanyang tropa ang women’s volleyball event, hindi sila natinag ng team ni coach Henry Tumacder ng Palermo.

Si Jona Karla Katigbak, muse ng GAFIC-Catanzaro ang napiling Miss Palaro 2016 habang si Jumar Turno, escort ng PDBA-Palermo naman ang hinirang na Mr. Palaro 2016. 

 

ni: Rosas Olarte

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Servizio Nazionale, patuloy ang paghahanap ng mga boluntrayong kabataan hanggang June 30

Carta blu, mas mabilis na pagpasok ng mga skilled workers