Rome – Pebrero 29, 2012 – Jonima Acevedo, lalong kilala bilang ‘Bebot’. Ito ang pangalang nasa likod ng tagumpay ng ‘Sweet opera’, isang Pinoy bakery shop na matatagpuan sa Via Firenze na pag-aari ng pamilya Acevedo.
Bagaman dumaan sa tila butas ng karayom, taong 2005 nang magsimulang magnegosyo si Bebot. Nagbukas sya ng isang sari-sari store at nagtagal ng isang taon.
Sa kabila ng tagumpay ay tila iba ang ‘specialty’ na aangkop sa Pinay kaya’t taong 2007 ay nag-desisyon si Bebot na subukan ang magkaroon ng bakery. Nagpatala sa isang kursong isinasagawa ng Chamber of Commerce o Camera del Commercio sa Roma at sumailalim din sa mga written at oral exam. Ito ay nalampasan lahat ng Filipina, kahit pa isinisingit lamang ang kurso sa oras ng kanyang riposo sa trabaho.
Hindi ito naging hadlang upang umurong ang Pinay at di naglaon ay binuksan ang unang bakery shop at laboratory sa Via Riccardo Pitteri, Prenestina. Ang pagtangkilik ng mga Filipino, gayun din ng mga suking Italyano ang nagtulak na magbukas ng punto vendita sa sentro ng lungsod noong nakaraang Linggo, Pebrero 26.
“Hindi naging madali para sa akin ang aking pinag-daanan. Ako ay isang Civil Engineer at nagturo sa loob ng labing-apat na taon sa private school ng Engineering. Noong 1997, ang bansang Italya ay katuparan ng aking mga pangarap noong una, ngunit hindi ito naging sapat. Ang sipag, tiyaga, pagmamahal sa aking asawa at 4 na anak at pananalig sa Diyos ang naging aking sandigan sa aking pakikipag-sapalaran”, kwento ni Bebot sa AAP.