Lahat ng malaki at marami ay nagsimula sa maliit at kakaunti. Dito nagsimula ang iisang hangarin ng 15 boluntaryong mga kabataan, ang makatulong. Sa katunayan, ang Team Bayanihan sa Roma ay nabuo sa loob lamang ng isang araw.
Ang ideya ng Bayanihan para kay Kabayan sa Roma ay nagsimula mismo sa mga kabataan na gusto ring tumulong sa mga kapwa Pilipino na mas nangangailangan at walang wala sa panahon ng krisis. Sa katunayan, umabot na sa 30 pamilya ang natulungan ng grupo (as of April 14).
“Ang aming grupo ay hindi isang malaking asosasyon na may malaking pondo para ipamahagi sa mga ating kababayan. Kami po ay kumakatok din sa mga kababayan natin na handang tumulong kahit kaunti”, ayon kay Aldreyn Justine Tuazon, isa sa dalawang Coordinators ng Team Bayanihan.
“Nagpapasalamat ako sa mga kabataan na hindi sila nagdalawang isip na suportahan ang Team Bayanihan at sa mga donors na nagbigay para maisakatuparan ang mga plano na ito at mabigyan ng pantawid gutom ang ating mga kababayan”, ayon kay Cris Buenaflor, isa sa Coordinators ng grupo.
“Ang mga donors na tumutulong sa mabuting hangarin namin ay mga pribadong tao na gusto ring tumulong”, anila.
Basic needs ang ipinamimigay na tulong ng Team Bayanihan gaya ng bigas, pasta, tonno, sugo, latte, pane, uova at biscotti at nagbibigay din ng diapers at gatas para sa baby kung may mga sanggol.
Mga nawalan ng trabaho, pamilya o indibidwal na walang nakukuhang ayuda mula sa gobyerno tulad ng buono spesa at mga pamilyang may bata, senior o disabled ang priyoridad na beneficiaries ng grupo.
Bayanihan at kooperasyon,
ang simpleng sistema namin.
May mga kasamahan na nangangasiwa sa distribusyon ng mga donasyon at mayron din nangangasiwa sa mga gustong tumulong, ayon pa kay Aldreyn.
Kahit marami ang humihingi ng tulong, may priyoridad ang grupo at pinag-aaralan muna kung sinu-sino ang dapat na unahin na matulungan.“May listahan po kami ng aming tutulungan at kung sino ang dapat unahin”.
Para sa mga hihingi ng tulong, maaring mag-iwan ng mensahe sa facebook page ng grupo: Bayanihan para sa Covid 19 ROMA at maari ring tumawag sa 391 472 8545 or 389 4608422. Ipinapaalala lamang ng grupo na dapat maunawaan ng lahat na may mga nakalista na dapat unahing tulungan.
“Kung tayong lahat ay magtutulong tulong lalo na sa ganitong panahon ng pandemic, lahat tayo ay mabilis na makakabawi at maraming mabibigyan pa sa ating mga kababayan na nangangailangan ng pagkain”, pagtatapos ni Cris.
“Sabi nga sa akin ni Ambassador Grace Princesa, “Let’s pray and work to be like abaca – strong, resilient and exceptional or MMK and Let’s be “Bayani” to God and to our country“, pagtatapos ni Aldreyn. (PGA)