Sa ikatlong season ay muling hinirang na Champions ang TEAM ROMA sa ginanap na Inter Europe Volleyball Tournament Men Category sa Horsens Denmark.
Ang nasabing tournament ay inorganisa ng PEVA o Philippine European Volleyball Alliance at nilahukan ng siyam na volleyball teams mula sa iba’t ibang bansa sa Europa tulad ng Denmark Sweden, UK, Switzerland, Germany, Malta, Italy at Austria.
Bukod sa pagiging kampeon, iniuwi din ng Team Roma ang iba pang awards ngayong taon tulad ng MVP award ni Laurence Lumbres, Best Libero ni Amil Joe Gaoul at Best Coach ni Alex Gunda.
Sa mga nagdaang tournaments, nakuha din ng Team Roma ang ibang individual awards tulad ng Best Setter, Best Opposite Spiker and Best Outside Hitter.
Ayon sa Team Roma, iba-iba ang emosyong nararamdaman nila sa bawat panalo na kanilang naiuuwi sa Roma.
“Dahil tulad din ng ibang teams marami kaming pinagdaanan. Minsan kulang-kulang kami sa training dahil may mga work and school. May time na may na-iinjured sa amin. Sobrang pagod at puyat din po before the game day dahil sa biyahe but at the end of the day sobrang grateful namin and blessed sa result na naachieve namin”, ayon pa sa grupo.
Ang Team Roma ay nabuo taong 2022, pagkatapos ng mga restrictions sanhi ng pandemic. Ang grupo ay binubuo ng 14 players mula edad 17 hanggang 39. Kadalasan ang Team Roma ay lumalaban sa mga friendly games against Italians.
“We are very thankful kay Lord na lagi nya kaming ginagabayan sa bawat biyahe at sa bawat experience ng team. Nagpapasalamat din kami sa mga sponsors at sa mga taong laging nandyan na sumusuporta at nagtitiwala sa amin”, pasasalamat ni Coach Alex.
Pagtatapos ng grupo na kahit karamihan sa kanila ay dito na ipinanganak sa Italya gusto pa rin nila na marating at makapaglaro sa ating bansang Pilipinas. Pangarap din ng grupo ang makatuntong sa mas malaki at mas mahalaga pang entablado kung mabibigyan ng pagkakataon.
“Sa ngayon ay patuloy na ini-enjoy namin ang paglalaro ng volleyball. We will continue to train and to work harder to achieve our goals” anila.
Nakatakdang dumayo at lumaban ulit ang Team Roma sa Austria sa July, sa London sa December 2024, sa Netherlands sa March 2025 at sa Sweden sa June 2025.