Isang matagumpay na selebrasyon ng unang anibersaryo ng pagkakatatag ang idinaos sa Bologna ng THE GUARDIANS BROTHERHOOD INCORPORATED – THE ORIGINAL, Bologna Provincial Chapter, nitong ika-9 ng Pebrero, 2020, na ginanap sa Polisportiva Pontevecchio sa via Carlo Carli.
Sa ganap na ika-isa ng hapon ay nagkaroon ng Banal na Misa sa pangunguna ni Father ROBERT SOLIS, na nagbigay ng homilya na tumalakay sa dapat na maging gampanin ng mga miyembro ng bawat organisasyon, Aniya ay maging gaya ng asin na siyang magbibigay ng lasa sa anumang pagkain at maging katulad ng ilaw na siyang magdudulot ng liwanag sa gitna ng dilim.
Matapos ang misa ay pinagsaluhan ng lahat ang nakahandang masaganang pananghalian na sinundan ng isang masiglang palatuntunan.
Si RAMON QUILING ang nagbigay ng pambungad na pagbati sa mga bumubuo ng TGBI-TO, mga panauhin mula sa ibang organisasyon sa Bologna, maging sa mga kasama nila sa ibang tsapter . Ang tema ng selebrasyon ay: United we stand towards true friendship and strong brotherhood. Ang kasalukuyang pangulo ay si LEONARDO MANGUBAT.
Binigyan din ng sertipikato ng pagpapahalaga sa kanilang serbisyo ang mga sumusunod: Eduardo Abrenica, Conchita Torte, Edna Gonzales, Evelyn Gomez, Rodolfo Dinero, Ramon Quiling, Milagros Cabreira, at ang dating pangulong si Ramon Velasco.
Binigyang-sigla din ang programa ng mga sama-samang pagsayaw sa pangunguna ng mga Zumba instructors mula sa Zumba Fitness Class, Marias Zumba Family Club at Flexion Fitness ASD. Nagkaroon din ng sama-samang pag-awit ng mga miyembro ng TGBI sa saliw ng gitara.
Ipinakilala din dito ang mga bagong miyembro ng TGBI-TO . Ang samahan ay ginagabayan ng six guiding principles , ang Brotherhood, Discipline, Equality, Justice, Peace at Service . Ito ay binigyang-diin ng mga naging tagapagsalita gaya nila MELCHOR “NF Spider” REINTAR, ang regional founder ng TGBI-TO, at ni QUINTIN KENTZ CAVITE, ang national president naman ng Guardians Emigrant International. Ayon sa kanila, dapat na maging magandang halimbawa ang bawat miyembro ng Guardians dahil sila ang repleksiyon ng kanilang grupo. Bumati rin sina DIOSDADO ‘FDR Dhexter” MANALO, regional chief of staff; MACKY “FDR Macky “ CASAPAO, Cassia chapter adviser; at OSCAR “MF Programmer” Ozoa, international vice-chairman; at TESS “NF Tess” Parajas, ARF on Finance.
Ang isa sa pinakaaabangan ay ang paligsahan para sa tatanghaling King and Queen of Hearts na nuong nakaraang taon ay ang mag-asawang Ben at Myrna Cesario ang napili at sa taong ito ay nasalin ang titulo sa mag-asawang Lito at Malou Garcia . Ang mga naging hurado ay sina Ben Cesario, Dittz De Jesus at Lane Galo.
Ang The Guardians Brotherhood, Incorporated – The Original ay itinatag sa Pilipinas noong taong 1984 at may ilang tsapter na dito sa Italya, ang Regional Chapter, Bologna, Roma, Cassia, Empoli, Ravenna at Romagna. (ni: Dittz Centeno-De Jesus)