Ika-3 ng buwan ng Hunyo at isang mainit na araw ng linggo sa Empoli. Muling nagkasama-sama ang mga magkakapatid sa balikat na nagmula pa sa ibang lungsod ng Italya sa o TGBI-TO.
Layunin ng inisyatibang ito ang mabigyan ng pagkakataon na magkasama-samang muli, maipakita at maipadama ng lahat ng kasapi ng samahan ang pagiging isang pamilya lamang ng lahat ng chapters ng TGBI-TO sa buong Italya at mas lalong pagtibayin ang espirito ng pagkakaisa na nagbibigkis sa mga magkakapatid sa balikat sa matagal ng panahon.
Bandang alas 10 ng umaga ng opisyal na simulan ang naturang sportsfest. Apat na koponan ang naglaban laban sa basketball tournament at dalawa naman sa larong volleyball. Ang mga kasaling teams ay mula sa iba’t ibang chapters ng TGBI-TO na kinabibilangan ng Roma Chapter, Romagna Chapter, Cassia Chapter, Regional Chapter, Ravenna Chapter, at ng Empoli Chapter na siya ding host ng TGBI-TO Sportsfest 2018.
Sa volleyball ay champion ang Empoli chapter kung saan din kinuha ang Most Valuable Player o MVP na si Roxanne Cabaltera, samantalang 1st runner up naman ang Cassia Chapter.
Sa basketball, matapos na mapagtagumpayan ang mga manlalarong kapatid ng ibang chapters ay pinalad na nasungkit ng Romagna Chapter ang kanilang inaasam-asam na Championship trophy. 1st runner-up ang Rome Chapter, 2nd runner-up ang Cassia Chapter, at 3rd runner-up naman ang Empoli Chapter. Itinanghal na MVP si Nicasio “RMG Niborn” Borlagdan.
Ang Cassia Chapter ay nakatanggap din ng mga special awards tulad ng Best Chapter award at Best Muse.
Naging panauhin din ang ilang kinatawan ng Guardians Emigrant (GE) mula sa Montecatini Terme na may paghangang pinagmasdan ang nagkakaisang samahan ng TGBI-TO at nagpaabot ng mensahe ng pagsuporta sa kanilang mga susunod pang mga ebento.
Malaki naman ang pasasalamat ng tumatayong ama ng samahan dito sa italya na si NF Spider kasama ang iba pang mga namumuno sa ibang chapters dahil sa nakitang matagumpay na kinalabasan ng kanilang inorganisang sportsfest. Nagpaabot din ang mga opisyales ng pasasalamat sa lahat ng mga dumalo at nakiisa sa one day-league na ito. Mahalagang paminsan-minsan ay magkaroon ng mga pagkakataong tulad nito upang mas makilala nila ang mga bumubuo ng kapatiran. Umaasa ang lahat na mas lalong magiging maayos ang daloy ng kapatiran at tuloy tuloy ang pagusad nito dahil na rin sa ipinakitang pakikiisa ng lahat sa mga aktibidades ng kanilang malaking pamilya.
Quintin Kentz Cavite Jr.