Naghatid ng magkahalong tuwa at pananabik sa Paskong Pinoy ang katatapos lamang na Thanksgiving concert ng Isang Tinig Choir sa Santa Pudenziana, Roma.
Tampok sa nasabing konsyerto ang mga worship songs: The Majesty and Glory of Your Name, Awit sa Ina ng Santo Rosaryo, Down by the Riverside, Paraiso at Tagumpay nating Lahat. Ika nga, “Singing is twice praying”. Sinundan ito ng mga awiting Pamasko na nagbigay init sa malamig na panahon sa Roma: Payapang Daigdig, Kumukutikutitap, Pasko Na, Angels We Have Heard On Hign at Munting Sanggol. Hindi rin nawala sa repertoire ang isang italian song, Amare et Servire at ang final song na We give our Yes.
Bukod sa magandang tinig ng choir, nagkaroon din ng mahalagang partesipasyon ang Sentro Pilipino Youth Ministry ng tatlong awitin.
“Nakakagulat ang tugon ng mga kababayan natin. Marami ang nanood, higit sa inaasahan namin”, ayon kay Maestro Noel Parin.
Dagdag pa niya, nakakataba ng puso ang mga komento pagkatapos ng concert. “May mga sumigaw ng dagdag na kanta at may humihiling na agad ngayon pa lang ng part two”.
Ang Isang Tinig ay isang choir group na binubuo ng 30 mga choir members mula sa iba’t ibang filipino community sa Roma. Ang pangalang ‘Isang Tinig’ ay katagang sumisimbolo sa nagkakaisang boses na nagnanais makapaglingkod sa Diyos at sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng pag-awit.
“Sa pamamagitan ng musika, sinisikap ng Isang Tinig na makatulong sa pagpapaganda at pagpapalalim ng pagdiriwang ng Banal na Misa sa tuwing may mahalagang okasyon ang Sentro Pilipino at mga Filipino communities na sakop nito”, ayon sa nagtuturo sa nasabing choir group.
Sa katunayan, isa sa naging pinakamahalagang misyon na ginampanan ng Isang Tinig ay ang pag-awit sa Misa para sa ika-limangdaang taon ng Kristyanismo sa Pilipinas. Ito ay pinangunahan ni Papa Francesco at ginanap sa Vatican.
Matatandaang sa kaunaunahang pagkakataon ay pinangunahan ng Santo Papa ang taunang Simbang Gabi sa loob ng St. Peter’s Basilica noong December 15, 2019, at ang Grand Choir na binubuo ng 100 miyembro ang naatasang manguna sa pag-awit. Noong sumunod na taon, 2020, habang nasa gitna ng pandemya, muling pinahintulutan ang mga Pilipino na magdaos ng Simbang Gabi sa Basilica. Ngunit bilang pagsunod sa protocol ng Vatican, kinailangang bawasan ang bilang ng mga aawit sa misa. Mula sa mahigit isangdaan, halos kalahati na lang nito ang pinayagan na makasali sa koro. Mula sa grupong ito isinilang ang Isang Tinig.
At kahapon, December 17, 2023, muling pinangunahan ng Isang Tinig ang pag-awit sa ika-limang taon ng pagdiriwang ng isang araw ng Simbang Araw sa loob ng St. Peter’s Basilica. Tulad sa nakaraan, ang kanilang magandang tinig, bukod sa pangunguna sa active participation ng komunidad sa pag-awit, higit na naging taimtim ang pagdiriwang sa banal na misa.
Lubos ang pasasalamat ni Maestro Noel Parin, ni Joseph Yu, ang official pianist ng Isang Tinig at ng lahat ng bumubuo ng koro sa biyayang ito ng pag-awit at nangangakong magpapatuloy sa pagsasanay upang lalong mapaganda ang kanilang pag-awit para sa higt na ikaluluwalhati ng Diyos.