Nagkaroon ng isang konsiyerto ang The Voice of Iligan Clergy o The Singing Priests of Iligan nitong ika-10 ng Setyembre, 2022 na ginanap sa Chiesa di Santi Bartolomeo o Gaetano, sa Bologna, mula alas otso y medya hanggang alas diyes y media ng gabi. Ito ay may titulong THIS IS THE MOMENT at masiglang dinaluhan ng mga Pilipino partikular ang mga miyembro ng Catholic Filipino Community in Bologna, sa pangunguna ni President Virgilio Cesario at kasalukuyan ding pangulo ng Federation of Filipino Associations in Bologna (FEDFAB).
Saglit na bumisita din si CARDINAL MATTEO MARIA ZUPPI habang nagkokonsiyerto ang mga pari na sadyang ikinatuwa ni DON STEFANO OTTANI, ang kura-paroko ng Simbahan.
Itinampok ang iba’t ibang awitin sa Ingles at Tagalog, at mayroon din sa wikang Italyano at sa kanilang dayalektong Bisaya. Pinangunahan sila ni Iligan Diocese Bishop JOSE PARADAS III, kasama sina FR. ALDRIN LIGUE ng San Vicente Ferrer Parish, FR. ELIJAH SANSONA ng Saint Francis Assissi Parish, FR. ROLANDO CANTINA ng San Isidro Labrador Parish, FR. ALFONSO BAIQUIN ng San Roque Parish at FR. EDGAR MOMAY ng Saint Michael Cathedral Parish.
Sila rin ang umawit bilang koro sa ginanap na misa kinabukasan na si Bishop Jose Paradas din ang nagkonselebra sa Banal na misa.
Sila ay dumating sa Roma, Italya noong ika-1 ng Setyembre at habang nasa Roma ay kanilang nabisita rin ang magagandang atraksyon ng siyudad. Nagkaroon sila ng ng unang pagtatanghal sa MONASTERO DELLE BENEDITTINE HALL sa Bastia, Umbria.
Ang kanilang ikalawang pagtatanghal ay ginanap na sa Bologna at kinabukasan, ika-11 ng Setyembre ay nagtuloy sa Modena at tinanggap ng Filipino Catholic Community of Modena sa pamumuno ni LEO HERNANDEZ. At kinahapunan, sila ay nagtungo na sa siyudad ng Milan para sa gaganaping misa at konsiyerto sa Piazza Santo Stefano.
Marami pa silang mga siyudad na pupuntahan at pagtatanghalan ng konsiyerto sa buong Europa. Ang adbokasiya nilang ito ay para sa paglikom ng pondo sa pagpapatayo at pagsasaayos ng ILIGAN CLERGY HOUSING para sa matatanda na at retiradong mga pari sa Iligan.
Ulat ni: Dittz Centeno-De Jesus
Mga kuha ni: Gyndee’s Photos, The Voice of Iligan Clergy Photos