in

Thursday Forum sa Embahada, tampok ang programa ni Ambassador Romeo Manalo

Roma – Aug. 12, 2010 – Isa na namang forum ang isinagawa sa Embahada ng Pilipinas sa Roma noong ika-29 ng Hulyo, taong kasalukuyan, sa pamumuno ni Labor Attache Chona Mantilla ng  POLO-OWWA.

Layunin ng Thursday Forum na ito ang ipakilala sa mga Filipino leaders ang mga programa ni Ambassador Romeo Manalo para sa mga Pinoy sa Italya. Hangarin ng bagong Ambassador ang maiangat pang lalo ang dignidad ng mga OFWs sa Italya. Kaya naman patuloy niyang inilalahad ang kaniyang nakahandang programa para sa kapakanan ng mga nakararaming Pilipino. Kumunsulta na rin ang butihing Ambassador sa iba’t ibang grupo at asosasyon ng mga Pinoy sa Roma kasama ang mga relihiyoso upang sumangguni at alamin ang ilan pang mga pangangailangan ng mga OFWs upang maisakatuparan ang mga programang kaniyang ipatutupad sa mga darating na panahon.

Naging tampok din ang usaping migrasyon ng araw na iyon. Sa pamamagitan ni Liza Bueno Magsino, editor-in-chief ng Ako Ay Pilipino at nagtatrabaho sa CSI (Centro Serivizi Per L’Immigrazione della Provincia) bilang Consultant at Cultural Mediator, ang ilang mga usapin tungkol sa Carta di Soggiorno, tampok ang Italian language test na ipapatupad sa Disyembre 2010, at sanatoria (mga pagbabago at pamamaraan) ay nabigyang linaw. Ang mga pagbabagong nagaganap kalimitan ay may positibo at negatibong epekto sa pamumuhay ng mga OFWs sa Italya.

Kaya’t minarapat ng POLO-OWWA ang magbigay ng mga mahahalagang impormasyon upang mas maging handa ang mga Pilipino sa anumang atas na ipapatupad sa darating na panahon.

Nagbigay rin ng updates si Welfare Officer Lyn Vibar tungkol sa mga serbisyo ng OWWA.

Ang nasabing forum ay dinaluhan ng mga kinatawan ng mga Religious Filipino Catholic Community,  Pinoy Associations sa Roma, Individual leaders, Consiglieri Aggiunti sa Roma at ibang concerned citizens. (Ako Ay Pilipino) 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Upang pamunaan ang usaping migrasyon, dapat suportahan ang integrasyon

PAGPAPAHALAGA SA SAKRAMENTO NG KASAL, BUHAY NA BUHAY PA RIN SA PUSO NG MGA PILIPINO