Natimbog ulit ng Commissariato Villa Glori ang dalawang grupo ng mga Pinoy na nagtotong-it sa Piazza Manila, Roma ilang araw pa lamang ang nakakaraan.
Ayon sa ulat ng Romatoday, araw ng miyerkules ng umatake ang pulisya na naka sibilyan. Ito umano ang nagpahintulot upang muling maobserbahan ang mga kilos at malaglag sa patibong ang mga manunugal.
Dalawang grupo ang nakaikot sa 2 lamesita kung saan nakalagay ang mga baraha at perang taya sa sugal. Pito sa dalawang grupo ang sinampahan ng kasong “esercizio illecito del gioco d’azzardo“.
Kitang-kita umano ng mga pulis ang pagpapasok ng pera sa bag o wallet ng mga manunugal bago tuluyang magtakbuhan sa pagtatangkang makatakas ang mga ito.
Ngunit planado ang aksyon ng awtoridad kung kaya’t kinilala ang lahat ng dalawang grupo ng awtoridad.
Matatandaang halos higit sampung araw pa lamang ang nakakaraan ng mabalitang nasorpresa ang Plasa Manila. Tatlong (3) grupo, binubuo ng 12 katao ang masusing inobserbahan bago tuluyang atakihin ng awtoridad.
Lahat ay nagtangkang magsitakas sa paglapit ng mga pulis. Sa 12 katao, 4 na kababaihan ang nahuli ng awtoridad na nagtangkang kumuha ng mga perang taya bago tuluyang magsitakbuhan. Lahat, ay kinilala habang ang 4 na kababaihan sinampahan ng kaso.
Masasabing kilala na sa Roma ang hindi masupil na pagsusugal ng mga Pinoy, mismo sa Piazza Manila. Ito ay isang bagay na bukod sa pulisya, ay sinubaybayan na rin ng lokal na media.