in

Trofeo d’Autunno ng Okinawan Karate Club Roma, isang tagumpay! 

Pinangunahan ng Okinawan Karate Club Roma ang organisasyon ng “Trofeo d’Autunno”, isang Karate competition na ginanap noong nakaraang October 16, 2022 sa ASD Okinawan Karate headquarters, PalAurelio.  Ang Okinawan Karate Club Roma ay kabilang sa national organization ng Federazione Karate Italia (FKI)-Libertas

Ito ay ang ika-apat na palaro na inorganisa ng Okinawan Karate Club kung saan labinlimang (15) teams na nagmula pa sa iba’t ibang bahagi at labas ng Italya ang nakiisa. 

Ben Tornato Sport” ang motto ng kumpetisyon na nilikha ng Regione Lazio, matapos ang ilang taong paghihintay at pananabik sa sports dahil sa pandemya. 

Kasama ang Presidente ng Federazione, Maestro De Luca, Bise presidente Maestro Morandi, iba pang opisyales, organizers, coaches, referees at ang mga atleta, ay sinimulan ang kumpetisyon sa pamamagitan ng pagbibigay pugay sa dalawang national anthems: ang Italian at Philippine national anthem. 

Sa nasabing kumpetisyon ay itinanghal na Overall Champion ang Okinawan Karate Club matapos masungkit ang 47 mga medalya ng 33 mga atleta: 15 bronze, 15 silver at 17 gold medals.

Sa tulong at suporta ng mga coaches at mga magulang, ay ipinakita ng mga bata ng Okinawan Karate Club ang kanilang galing at lakas ng loob para muling makamit ang tagumpay. 

Ang Okinawan Karate Club Roma ay nagsimula noong 2002 sa via Boccea 358 (Palaurelio). Nagsimula sa ilan lamang katao hanggang sa patuloy na dumadami hanggang sa kasalukuyan.

“Habang ako ay tumatagal sa pagtuturo ng karate ay patuloy naman sa paglaki ang grupo hanggang sa ngayon”, ayon kay Maestro Patricio Ramos na pinarangalan din ng bronze medal sa ginanap na kumpetisyon dahil sa kanyang dedikasyon sa larangan ng karate. 

Aniya ang kanyang misyon sa pagtuturo ng karate sa mga bata ay hindi lamang para matuto ng self defense para sa kanilang mga sarili, kundi una ay ang mahubog sila sa magandang pag-uugali, matutong dumisiplina sa sarili at matutong rumispeto sa kapwa. 

Sa ginagawang pagsasanay tuwing Sabado at Linggo sa ASD Okinawan gym, ang mga bata ay naging mahusay sa larangan ng karate. Nagkaroon sila ng lakas ng loob at tiwala sa sarili na makipagtuggali at harapin ang mga kumpetisyon. “Dahil sa kanilang mithiin na nakamit ang tagumpay sa pakikipagtunggali, sa gabay ng Panginoong Diyos, kami ay laging may tagumpay na inuuwi”, dagdag pa ng maestro.  

Matatandaang noong 2019, ang Okinawan Karata Club ay dumayo at nakibaka baon ang lakas ng loob at tiwala sa sarili, kasama ang panalangin na makilahok sa Karate Competition sa Germany. “Hindi kami nabigo at nakapag-uwi ng tagumpay sa Italya. Dala namin sa aming mga puso ang saya nang kami ay bumalik” masayang kwento ng maestro.  

At nito ngang nakaraang Oktubre, ang pangunguna ng Okinawan, bukod sa pagiging kampeyon ng Kata at Kumite, ay hinangaan ang grupo sa organisasyon ng “Trofeo d’Autunno” ng Pederasyon. Mula sa paghahanda ng venue hanggang sa pagbibigay serbisyo. Ang pagbabalik sa sports ay naging makabuluhan at itinuring na isang tagumpay para sa lahat – ang mga baguhang atleta – mula sa mga pinakabata hanggang sa mga PWD (person with disabilities) ay nagkaroon ng pagkakataong makaranas ng maayos at patas na kumpetisyon habang ang mga matagal ng atleta ay nagkaroon ng pagkakataong makaharap ang mga bagong katunggali at ang maging kaibigan ang mga ito.

Ang nasabing kumpetisyon ay muling nagpalapit sa lahat sa sport, nagbigay pagkakataon sa pakikipag-kaibigan at higit sa lahat, sa pagkakaroon ng rispeto sa lahat. (PGA)

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 4.5]

Pinay, gold medalist sa Para-Karate Regional Competition sa Roma

Nico Hidalgo, itinanghal na Sanremo New Talent 2022