Isang normal na hatinggabi, ika-22 ng Oktubre, ang nauwi sa madugong eksena sa Arezzo.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ang apat na sangkot sa rambol at saksakan ay magkakakilala o nagkataon lamang na nagkatagpo ang mga ito sa isang “ristorantino Kebab” sa sentro ng lungsod. Sa apat na sangkot, isa ay 39-anyos na pinoy at tatlo ang mga bangladeshi nationals na may mga edad na 21,23, at 34 anyos.
Ayon sa mga nakakakilala, ang apat ay lahat mga cook ng iba’t-ibang kainan sa nasabing lugar. Habang kumakain ang mga ito ay nagsimula umano ang biruan at tuksuhan. Sa di pa malinaw na dahilan ay bigla na lamang nauwi ang lahat sa suntukan at nagrambol ang mga ito at nagpatuloy ng pagaaway sa labas ng tindahan. Sigawan at palitan ng suntok, tulak at sipa. Naging maigting ang away at gumamit pa umano ang mga ito ng mga kanya-kanyang sinturon bilang armas. Isa sa mga ito ay tumakbo papasok sa tindahan at nakakuha ng isang kutsilyo at binalikan ang mga katunggali. Malakas ang puwersa ng pananaksak, dahilan upang ang kutsilyo ay maputol. Ilang beses din na nahulog ito at halinhinan ang mga ito sa paggamit ng armas sa pananaksak sa mga kalaban. Walang nagawa ang mga nakakita sa episodyo kundi ang tumawag ng mga pulis.
Sa pagdating ng mga carabinieri ay nasa pinangyarihan pa ang tatlong Bangladeshi samantalang ang Pinoy ay agad na tumakas ngunit tukoy na ito ng mga pulis at naka-blotter na sa kanilang himpilan. Dinala ng ambulansya sa San Donato Hospital ang tatlong sugatan na nagtamo ng mga sugat sa ulo, mukha at mga kamay.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung bukod sa tuksuhan at pagkapikunan ay may mas malalim pang dahilan ang nangyaring riot. Pagkatapos na magamot ang tatlong bangladeshi ay agad silang dinala sa caserma ng mga carabinieri. Sasampahan ang mga ito ng kasong rissa aggravata, physical injury, and illegal and abusive possession of bladed weapon.
Inaasahang ang sangkot na Pilipino ay agad na haharap sa mga awtoridad para sa kanyang pagpapaliwanag ng sariling bersyon ng pangyayari.
Quintin Kentz Cavite Jr.