Bakit nga ba di gawan ng paraan na maging kaakit-akit ito sa paningin sa halip na mga maruruming pinta at sulat ang makikita?
Bologna, Oktubre 25, 2016 – Nitong nakaraang Oktubre 1 at 8, 2016, ang magkabilang bahagi ng Tulay ng Stalingrado ay nagbagong-bihis. Mula sa mga muro nito na puno ng mga sulat at di kaaya-ayang mga pinta ay napuno ito ng mga obra ng mga pintor, boluntaryo at mga interesado na noon pa lamang sumubok magpinta.
Ito ay sa inisyatiba ni Signor Roberto Morgantini ng Piazza Grande, na mabigyan ng bagong anyo ang tulay dahil sa ito ang unang dinadatnan o nakikita ng mga sasakyang pumapasok sa siyudad ng Bologna. Bakit nga ba di gawan ng paraan na maging kaakit-akit ito sa paningin sa halip na mga maruruming pinta at sulat ang makikita?
Tinugon ng mahigit na pitumpung (70) artista at iba pang boluntaryo ang panawagan at sinimulang pintahan ito ng puting pintura noong Huwebes, ika-29 ng Setyembre, upang maging base ng mga magpipinta ng kanilang mga obra.
Bukod sa mga kilalang Italyanong artista at iba pang dayuhang pintor, kabilang sa mga nagboluntaryong magpinta ay ang grupo ng kababaihan ng Filipino Women’s League at Liwanag Donne Filippine, kasama ang iba pang miembro ng Arte Creativa dalle Filippine sa pamumuno ni Dittz Centeno-De Jesus, katuwang ang mag-asawang Donato at Delia Gabatin, Rodelia Palejon, Marina Ramos, Angela Bermudez, Logie Alejandro, Jr. Gene De Jesus at mag-iinang Elisha Gay Hidalgo, Seth at Sach, Marivic Mendoza at Susan Montemayor. Ang grupo naman ng Liwanag ay binubuo nina Annaline Viejo, Vicky Reyes, Evelyn Seliman, Marie at Liza Ahumada at Teresita Cruz.
Isang magandang karanasan para sa kanila ang nagampanan dahil bukod sa pakikiisa at pagsuporta sa gawaing-sibikong ito sa siyudad kung saan sila namumuhay na, ay naipamalas pa nila ang kanilang angking talento sa pagpipinta at naibahagi pa ang kultura ng mga Pilipino sa pamamagitan ng simbolismo.
Ano nga ba ang kaibahan ng bandalismo kumpara sa arte-panlansangan (street art)? Pareho lamang silang paraan ng ekpresyon sa pamamagitan ng pagsusulat at pagpipinta sa dingding ng mga gusali, sa tulay, sa kalsada o kahit saang bagay sa kapaligiran, pero nagkaiba sa ipinahihiwatig na layunin. Sa bandalismo, naroon ang pagnanais na makasira sa paligid o kaya naman ay makapahayag ng galit o diskontento sa lipunan. Samantalang sa “street ART”, nariyan ang elementong maka-sining at hangaring makapagpagpahayag ng sariling interpretasyon ng imahinasyon.
ni: Sierra M. Dela Rosa
Filippine- Bologna News
GYNDEE Photos & Muri DiVersi