Pinamagatang “MAGNEGOSYO TAYO”, pagsasanay sa mga OFWs sa mga pangunahing kaalaman at kasanayan sa pagsisimula ng isang negosyo sa Pilipinas.
Bilang tugon sa programang “reintegration” ng Embahada ng Pilipinas sa mga manggagawang Pilipino kung sakaling dumating ang panahon na magdesisyon silang tuluyan ng mamalagi sa Pilipinas, ang Department of Trade & Industry (DTI) ay nagsagawa ng isang pagsasanay na pinamagatang “MAGNEGOSYO TAYO”. Mga pangunahing kaalaman at kasanayan sa pagtatayo at pagpapatakbo ng isang negosyo sa Pilipinas ang naging tampok sa nasabing pagsasanay.
Ang seminar ay pinangunahan ng ating Commercial Attachè, Mr. John Paul “JP” B. Iñigo., kaagapay si Ms. Marie Gumabon-Lami, Assistant Trade Representative. Kasama sa nasabing pagsasanay ang pagtuturo sa mga participants kung paano magsagawa ng “Business Plan” bilang paghahanda sa pagsisimula ng negosyong kanilang naisipang itaguyod sa Pilipinas. Dalawang grupo ang naghanda ng presentasyon na naging highlights sa kanilang pagtatapos na isinagawa noong Marso 21, 2010 sa bagong tanggapan ng DTI sa Via della Balduina, 84.
Naimbitahan bilang mga hurado sina Ms. Elsa Asuncion-Lim, Managing Director ng Landbank, Consul Lilibeth V. Pono at ang bagong Managing Director ng PNB Italy na si Mr. Vic E. Cobarrubias (na kinatawan ng may-akda dahil sa kanyang biglaang pag-uwi sa Pilipinas). Malaki ang pasasalamat ng lahat sa pagdalo ng ating Consul General and Minister Danilo T. Ibayan na namangha ng malaki sa ginawang preparasyon ng dalawang grupo.
Ang mga presentasyon ng “Business Plan” ay kinabilangan ng kani-kanilang mga business objectives, company overview, market environment, target market, marketing and sales strategies, revenue assumptions, operation plan, financial plan and loan requirement, at marami pang iba. Malaki ang naitulong ng mga suhestiyon ng mga hurado para sa lalo pang ikakaayos ng mga panukalang negosyo ng dalawang grupo.
Magtayo ng palestra sa San Pedro, Laguna na tatawaging Villa Olympia Fitness and Wellness Center ang negosyong naisipan ng grupo nina Ms. Perlita C. Selosa, dating school principal at mahigit ng 30 taon na nagtatrabaho sa Italya. Kasama niya sa grupo sina Ms. Teresita Borromeo, dating Medical Secretary at ngayon ay isang caregiver, Ms. Jean Dizon-Toccaceli, nagtapos ng B. S. Business Administration sa Central Colleges of the Philippines at nag-aral ng massage techniques sa Centro di Formazione Professionale sa Milan at Ms. Mary Triumfante, isa ding dating guro at mahigit ng 20 taong naninirahan sa Italya. Lahat sila ay naniniwala at umaasa na sila ay magtatagumpay sa negosyong naisipan mabigyan lamang ng tamang oportunidad at pagkakataon.
Goto Lugaw Special, Inc. naman ang napagkasunduang pangalan ng negosyong itatayo ng anim na OFWs na nagkasundo-sundo dahil pare-parehong pagluluto ang kanilang hilig. Ang Goto Lugaw Special sa isa sa pinakamaabalang bus terminals sa Cubao, Quezon City ang tugon ng grupo sa mga naghahanap ng madaliang makakain pagkatapos ng mahabang biyahe.
Ang magiging Presidente at Store Manager ng Goto Lugaw Special ay si Ms. Betty Balangue, Human Resources Department ang magiging assignment ni Ms. Cora Dantes. Planning and Finance ang pagkakaabalahan ni Ms. Tess Borje samantalang Operations and Purchasing naman ang kay Ms. Emerita Gepayo. Malaki ang maitutulong sa background sa pananalapi ni Ms. Buena Gotangonan dahil siya ang magiging Auditor ng kumpanya. Siguradong pakikinabangan naman ang mga bagong marketing ideas ni Mr. Keith Tuazon kapag nanungkulan na siya bilang Marketing and Promotions Manager ng Goto Lugaw Special.
Sa naging malaking tagumpay ng first batch ng Basic Seminar on Entrepreneurship – “Magnegosyo Tayo” ng DTI, tiyak na tuloy na tuloy na ang mga susunod pang mga grupo sa ganitong mga uri ng pagsasanay. Akmang akma rin ang higit na malaki at maaliwalas na bagong tanggapan ng DTI para sa mga ganitong seminar. Mula sa pahayagang “Ako Ay Pilipino”, ang aming pagbati sa mga nagtapos at more power sa DTI! (Rogel Esguerra Cabigting)