Nais na pangunahan ni Dottore Jeffrey Padul ang pagbabago sa kasaysayan at kinabukasan ng mga Pilipinong manggagawa sa pagtatatag ng bagong henerasyon ng mga propesyonal na Pilipino sa Italya at buong Europa.
Messina – Malaking karangalan para sa bawat Pilipinong nasa bansang ito ang pagkakakapasa ni Dottore Jeffrey Padul bilang kauna-unahang propesyonal na doktor matapos ang “Esame di abilitazione all’esercizio della professione medico-chirurgica” ng pamahalaang Italya nitong Pebrero.
Tunay na pangungunahan ng dalawampu’t anim na taong gulang na lisensyadong medico mula Messina, Italy ang pagbabago sa kasaysayan at kinabukasan ng mga Pilipinong manggagawa sa pagtatatag ng bagong henerasyon ng mga propesyonal na Pilipino sa Italya at buong Europa.
Itinanghal na gradweyt ng “Laurea in Medicine e Chirurgia” noong Oktubre 2015 matapos ang matagumpay na pakikipagtalastasan kaugnay ng kanyang thesis na “Ischaemic stroke in young patients (18-45 years old): a 3rd level Stroke Unit Experience” itong si Dottore Padul na karaniwang tawag ng mga kapamilya at mga kaibigan ay “Doc”, “Doc Jeff” ay nagtapos bilang cum laude at may final grade na 110!
Tatlong taon niyang binuno ang preclinical studies at tatlong taon naman ulit para sa clinical o hospital rotations sa lahat ng units at departments ng ospital, ang pinakahuli ay ang karagdagang isang taong internship sa Stroke Unit ng Policlinico ng Messina, Italy mula Pebrero hanggang Oktubre 2015 hangga’t ideklara siyang graduate ng medical degree.
Subalit bago niya nakamit ang medical degree, kinailangan niyang ipasa ang tatlumpo’t walong (38) pagsusulit sa tatlumpo’t walong subjects maliban sa hospital rotations at final thesis.
Pakatapos ng graduation, si Doc Jeff ay tatlong buwang nagtrabaho ng walang bayad sa tatlong iba’t ibang departamento ng ospital. Ang mga ito ay sa Neurology department noong Nobyembre, sa Surgery department noong Disyembre 2015 at bilang family doctor naman nitong Enero 2016. Ang post graduation rotation na ito ay maliban sa ginawa niyang paghahanda para sa medical licensure examination dito sa bansang Italya.
Ang dalawampung taong pakikipagtunggali ni Dottore Jeffrey upang makatapos ng kursong medikal at maging ganap na doktor dito sa Europa ay hinamon ng ipasa niya ang national medical entrance examination noong Seteyembre 2008. Ito ay tinatawag na “Test di Ingresso a Medicina“.
Anya, Naalala pa ni Dottore Jeff ang animnapung ‘nakakatuyo-ng-utak’ na mga tanong sa naturang eksaminasyon. Sa mahigit walumpong libong aplikanteng tulad nya na sumailalim sa naturang medical entrance test, sampung libo lang silang pumasa.
Makalipas ang dalawang buwan ng magtapos sya ng senior high school o superiore sa Liceo Giuseppe La Farina sa Messina noong July 2008 ay nalamang nakapasa siya.
Ang mga pagsusulit na pinagdaanan niya mula sa limang taong elementarya o primary schooling hanggang sa tatlong taong middle school sa Dina e Clareza ll at limang taon sa superiore/senior high school sa Liceo Classico Giuseppe La Farina ang luminang sa kanya upang masanay sa bawat pagsusulit sa buhay. Ang mga pagsusulit na ito ay kasama sa mga importanteng basehan kung ang mag-aaral ay pumasa o hindi.
Mapagpakumbabang naaalala ni Dottore Jeff na pasalubong lagi niya sa mga magulang tuwing uuwi sa bahay ang matataas na grado. Ito ay dahil na rin sa kanyang mga pangarap at laging pag-iisip ng mga kahanga-hangang proyekto
Naipanalo niya ang “Olympic Games of Logic” noong high school at siya ang naging kinatawan ng paaralan sa “Certamen Taciteum“, isang pambansang tunggalian sa Italya ng pagsasalin sa wikang Latin na ginanap sa lungsod ng Terni.
Si Dottore Jeff din ay captain ball ng volleyball team at coach ng female volleyball team.
Sa superiore sa Liceo Classico Giuseppe La Farina karaniwan ang suheto o subjects ay tinutukoy ang sinaunang kasaysayan ng sibilisasyon may kinalaman ang Latin at Griyego at wika nito. Nagtapos siyang cum laude dito sa gradong 100.
Hindi anya sya basta basta sumusuko sa paghamon idagdag pa ang sobrang stress sa pag-aaral at sakripisyo sa pag-iwas sa mga lakaran kasama ang mga kaibigan at personal na relasyon pati isyung pinansyal.
Libre man anya ang pag-aaral dito sa primarya, middle at senior high school subalit ang mga gamit sa eskwela, libro, baon sa araw-araw lalo na ang buwis, kontribusyon at binabayaran ng kanyang mga magulang upang suportahan ang kanyang pangarap na maging doktor.
Si Dottore Jeff ay panganay sa tatlong magkakapatid. Ipinanganak siya noong Hulyo 2, 1989 sa Messina at nakakapagsalita ng Italiano, Tagalog, English at konting Kapampangan. Ang kapatid na lalaki na si John Luigi David, 25 taong gulang ay nagtatrabaho sa isang aquarium shop habang bunsong kapatid na babaeng si Jennifer David, 21 taong gulang ay nagtatrabaho bilang sekretarya sa Messina.
Ang kanyang ama na si Anecito Padul, 66 taong gulang ay mula Samar, Leyte at ang 64 taong gulang niyang ina na si Lucy David ay taga-Mexico, Pampanga. Nagpunta rito sa Italya ang kanyang mga magulang sa Italya apatnapung taon na ang nakakalipas at nagtrabaho bilang caregivers.
Ani ni Dottore Jeff, nangibang bansa ang kanyang mga magulang at nagsakripisyo para sa kanilang magkakapatid kaya naman ang matupad ang kanyang pangarap, na pangarap na rin ng kanyang mga magulang na makatapos ng pagaaral at magkaroon ng magandang propesyon ay tungkulin ng mga masusuwerteng anak ng OFWs.
“Ang maging matagumpay, dahil ang tagumpay ng anak ay tagumpay din ng magulang ang pinakamabisang paraan upang iparamdam at ibalik ng isang anak ang sakripisyo ng magulang. Ipagmalaki natin ang sakripisyo ng ating mga magulang. Gawin din nating mga anak ang ating magagawa upang ipagmalaki tayo ng mga magulang natin”, ayon kay Doc Jeff.
“Dito sa Europa ang mga Pilipino ay itinuturing na populasyon ng manggagawang domestika o domestic workers, caregivers at taga linis o Cleaners. Panahon na upang ipamalas natin na ang bagong henerasyon ng mga Pilipino ngayon ay henerasyon ng mga Pilipinong may pinagaralan at kakayahang propesyonal o professionists”, dagdag pa nito.
Si Dottore Jeff ay magpapakadalubhasa sa Neurolohiya, Sports Medicine at General Medicine.
ni: Rosas Olarte