Sa unang pagkakataon ay sisimulan ang Simbang Gabi , ang isa sa mga pinakamatagal at pina-popular na kaugalian ng mga Pilipino sa pagsapit ng Kapaskuhan, sa mismong puso ng pananampalataya ng mga Katoliko, sa St. Peter’s Basilica sa Roma.
Roma, Nobyembre 22, 2016 – Sa isang anunsyo sa social network, ay kinumpirma ni Fr. Ricky Gente, ang chaplain ng Sentro Pilipino sa Roma ang pagdiriwang ng unang Simbang Gabi sa St. Peter’s Basilica.
“Finalmente ay super ok na ang Vatican para sa ating unang Simbang Gabi na gaganapin doon”.
Ito ay matapos ang unang anunsyo ng chaplain: “Nais ko lang ipaalala sa inyong lahat mga Kababayan ko sa Italya na sa unang pagkakataon ang unang Simbang Gabi ay gaganapin sa St. Peter Basilica ng Vaticano. At ito ay sa ganap ng alas-5 ng hapon sa December 15”.
Bukod dito ay isang mahalagang paalala na “masidhing inihabilin sa lahat na makibahagi para sa simbang gabi sa Vaticano na maaga tayo pumasok sa Basilica para iksakto tayong makapag-umpisa ng 5PM dahil sila ay mag-umpisa ng magsara sa alas-6PM”, dagdag pa ni Fr. Ricky.
Ang Simbang Gabi ay kilala din sa tawag na Misa de Gallo. Ito ay siyam na araw na nobena para kay Birheng Maria na nag-uumpisa tuwing Disyembre 16 at nagtatapos sa Disyembre 24 kung saan ang mga simbahan sa Pilipinas ay nagbubukas ng alas-kwatro ng umaga upang tanggapin ang mga parokayano sa pagdiwang ng banal na misa. Kasabay sa pagsisimba ng siyam na araw ay ang paniniwala ng mga Pilipino na pakikinggan at ibibigay ang kahilingan ng deboto kapag nabuo ang nobena ng siyam na gabi.
Ang tradisyong ito ay mahalaga sa bawat Pilipino na ipinagpapatuloy at ipinamamana ng bawat Pilipino saan man sa sulok ng mundo.
Sa katunayan, maging ang mga Pilipino sa Milan ay nasa-ikapitong taon na ng pagsasagawa ng unang simbang gabi sa Duomo Cathedral, sa pangunguna ng Filipino Catholic Community of Milan at pakikipagtulungan ng Philippine Consulate General of Milan.