in

UNITED ILONGGOS IN ITALY

“Handang tumulong sa lahat ng pagkakataon, sa mga magagandang hangarin para sa kapwa, lalong higit sa mga mahihirap nating kababayan.”

Milan, Agosto 13, 2013 – Ito ang layunin ng United Ilonggos in Italy o UNITY,  ayon kay Wilde Conlendres, ang presidente ng UNITY.  

Ang naturang grupo ay itinatag taong 2010 sa Milan. Nagsimula sa isang maliit na samahan, mula sa mga malalapit na kaibigan at pawang mga Ilonggo. Hindi nagtagal ay dumami ang mga miyembro hanggang sa nagpasya ang mga ito na gawing opisyal ang pagtatatag sa grupo.Napagkasunduan na magkaroon ng group officials, mula sa presidente hanggang sa public relations officer. Rehistrado rin ang nasabing grupo sa Comune di Milano, ayon sa UNITY president.

Sa patuloy na pagkakaisa ng grupo ay marami rin ang kanilang natulungan.

Ilan sa mga ito,  sinabi pa ni Colendres, ay ang donasyon buhat sa bawat miyembro para sa mga biktima ng malakas na bagyong “Sendong” taong 2011 kung saan ang halagang nakolekta ay ipinadala  sa GMA foundation, sa “Kawayan Operation”.

Bukod dito, dagdag pa ng pangulo ng samahan, ay muling nakiisa ang kanilang grupo sa pagtatayo ng mga nasirang bahay ng mga nabiktima at sinalanta ng mga nagdaang bagyo sa probinsiya ng Iloilo.
Maliban sa mga kababayan at sariling bansa, ay kanila ring tinulungan ang mga naging biktima ng tsunami at lindol sa Tohoku Japan noong taon 2011. Ilang sakong mga damit ang ipinamahagi ng grupo na malugod na tinanggap at pinasalamatan ng kanilang gobyerno, ani ng presidente.

Sinuportahan din ng UNITY ang  Philippine Dragon Boat team na lumaban sa international boat race na ginanap sa Idroscalo dito sa Milan noong taon 2012 kung saan matagumpay na nakasungkit ng mahigit 6 gold medals at iba pang mga awards ang Philippine delegation sa halos 12 bansang naglaban-laban sa tatlong araw na competisyon.

Samantala, sa panayam ng Ako ay Pilipino sa vice president ng UNITY, Edgardo Franco, ay sinabing nagtungo kamakailan ang grupo sa Belgium partikular sa Brussels upang makadaupang palad ang grupo ng mga Ilonggo sa naturang bansa sa unang pagkakataon.
Dito ay nagkaroon ng isang masquerade party kung saan hindi lang mga Ilonggo ng Milan ang dumalo, kundi pati na rin mga Ilonggos na  nagmula pa sa Switzerland at iba pang mga karatig bansa sa Europa.

“Ang target ay makilala ang mga Ilonggos sa buong Europa. That is really the program” sa pagwawakas ni Franco.

Sa kanilang ika-3 taon ng pagkakaisa, ang “United Ilonggos in Italy” ay walang pinipili, kapwa Pilipino man o hindi, ma pa-Ilonggo man o hindi, para sa magagandang hangarin at layunin para sa mga nangangailangang indibidwal o grupo dito sa Italia o sa Pilipinas man at kahit ibang bahagi ng mundo sa abot ng kanilang makakaya.

Wika nga nina Jessy at Bryan Matteo, “Even the smallest act of caring for another person is like a drop of water, it will make ripples throughout the entire pond…" (ulat at larawan ni Chet de Castro Valencia)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Gabay sa Edukasyon sa Italya

Oracion, masasandigang armas ng Sambayang Pilipinon sa harap ng pwersa ng Tsina