Ito ay alinsabay sa pagdiriwang ng labor day sa temang “Pagpupugay sa manggagawang Pilipino: dangal ng lahi, kabalikat sa progresibong pagbabago.”
Layunin nito ang ipaalam sa mga manggagawang Pinoy sa Milan at sa mga karatig lugar sa hilagang bahagi ng bansang Italy, ang pinakahuling batas na ipinapatupad ng Italian government ukol sa kalakaran ng imigrasyon at labor.
Ito ay inorganisa nina Philippine Overseas Labor Office (POLO) Labor Attaché Atty Maria Corina Buñag at Welfare Officer OWWA Milan Jocelyn Hapal.
Naroroon din si PCG Milan ConGen Irene Susan Natividad at Consul Manuel Mersole Mellejor at iba pang kawani ng POLO OWWA maging ng Consulato.
Inanyayahan si Atty Maria Natalia Chiccelli na siyang naging resource speaker sa nasabing forum.
Isang mensahe mula kay DOLE Sec Silvestre Bello III ang ipinarating nito sa mga maggagawang Pilipino sa Milan. Sumasaludo umano siya sa mga maggagawang Pilipino dahil malaki ang tulong nila sa ekonomiya maging sa pagbabago ng bansang Pilipinas.
Sa pagharap naman ni Atty. Natalia Chiccelli ay muli niyang pinaalalahanan ang mga manggagawang Pinoy na dapat ay patas ang pagtingin sa kanila ng kanilang employers lalo na’t sa kanilang mga benepisyo tulad ng nakalaang araw ng bakasyon ng isang manggagawa at obligasyon ng isang employer na dapat ibigay sa kanilang mga employee.
Sinabi pa ni Chiccelli na maaari silang magtungo sa kanilang tanggapan sa Corso Lodi sa Milan kung mayroon mang mga katanungan tungkol sa mga rights ng isang worker.
Pagkatapos nito ay nagkaroon ng open forum kung saan isa sa mga OFW ang nagtanong tungkol sa pagiging regular sa trabaho ng isang manggagawa. Sinabi ni Chiccelli na umaabot sa hindi lalampas ng 6 na kontrata sa pagiging part-time worker at bawat kontrata ay binubuo ng anim na buwan lamang bago ito maging ganap na regular sa trabaho at nasasaad sa kontrata ang pagkakaroon ng “tempo indeterminato”. Dipende aniya ito sa employer kung gagawin regular ang kanyang trabahador na hindi pa aabot sa ika 6 na renewal ng part time contract o ang tinatawag ng “tempo determinato”.
Gayunpaman ay umaasa ang POLO at OWWA na makakatulong ang nasabing forum sa mga Ofw’s sa Milan at sa buong Italy sa mga dapat gawin at mga dapat iwasan upang sa ganun ay matiwasay at mapayapa ang kanilang pananatili sa bansa.
“Ang pinaka assesment natin dito ay ang karagdagang kaalaman para sa ating mga kababayan para mahigit na maprotesiyunan sila sa kanilang mga trabaho…Nais namin ipagpatuloy ang programang ito para lalong ikalap ang impormasyon lalo na tungkol sa mga permit to stay, tungkol sa right and duties of a laborer, at ang ating magagawa sakaling tayo’y maargrabyado at mangailangan tayo ng tulong, so over-all may pangangailangan para dito at yan ang ginawa namin para matugunan ang pangangailangan ito”, wika ni Labor Attache Atty Corina Buñag.
At para naman sa mga karagdagang kaalaman tungkol sa Italian Labor and Immigration Laws ay maaring magtungo ang mga OFW’s sa tanggapan ng ating POLO sa Philippine Consulate General in Milan building sa Viale Stelvio 71 cor Via Bernina 18, Milan o maari din magtungo sa tanggapan ni Atty Natalia Chiccelli sa Corso Lodi 74, Milan, Italy.
Chet de Castro Valencia