in

Usaping e-PaRC, may nakahaing Resolusyon na sa Kongreso

Isang positibong resulta ng naganap na online forum noong nakaraang ika-23 ng Enero, 2022, ang paghahain ng isang resolusyon ng BAYAN MUNA Party List, upang magkaroon ng pagdinig sa Kongreso ang usaping E-PaRC. Matatandaan na ang forum na ito na inorganisa ng Migrante Europa, kasama ang mga pangunahing organisasyon sa Italya, maging mga taga- Cyprus, Austria at Korea, at mga mamamahayag man, ay nakapagbigay-daan upang maisatitik ang mga hinaing ng mga manggagawa at mabuo ang House Resolution 2475

Ang naghain nito sa Kongreso ay sina Bayan Muna Representatives Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat. Hiniling nila sa Committee on Overseas Workers Affairs, na imbestigahan sa tulong ng legislasyon, ang “outsourcing of services” ng Department of Foreign Affairs, at ang pagbibigay ng serbisyong ito sa isang pribadong ahensiya, na dapat sana ay sa Embahada sa Roma lamang ipapamahala. 

Nakasaad sa resolusyon na noong ika- 11 ng Nobyembre, 2021, ang Embahada ng Pilipinas sa Italya ay nag-anunsiyo na may isang pribadong ahensiya nang mangangasiwa sa passport renewal bukod sa kanila. 

Ang nabanggit na ahensiya ay ang BLS International Services, na pumirma ng kontrata sa Department of Foreign Affairs noong ika-21 ng Setyembre, 2021. Nakasaad sa kontrata ang pagkakaroon ng mga Passport Renewal Centers sa mga bansang Italya, Malaysia at Qatar. At dito nga sa Italya ay sa Roma ito inilagay. 

Mahigpit itong tinututulan ng mga OFW, katunayan ay ang pagkabuo ng isang grupo, ang UNFAIR (Ugnayan ng Nagkakaisang Filipino na ang Adhikain ay Ipakansela ang Renewal Center) na patuloy na nagsusulong na huwag itong tangkilikin at ipaglaban na huwag nang ipagpatuloy pa. 

Sa naging pahayag noon sa forum ni Congressman Zarate, binanggit niya na ang pribatisasyon ng pagproseso ng passport renewal ay magreresulta lamang sa pagkakamal  ng malaking tubo ng mga may kapital kaya sana ang serbisyo-publiko ay huwag gawing negosyo. 

Ang implementasyon nito ay ay paglabag din sa probisyon ng Republic Act 8239 o ang Philippine Passport Act of 1996, na nagsasabing di dapat idelega ng awtoridad ang “issuance of a passport” sa pribadong personahe o entidad.  

Ang ihahaing resolusyon ay isang malinaw na pangunahing hakbang upang mapakinggan ng Kongreso ang hinaing ng mga manggagawa dito sa Italya. Nasa anino pa rin ng pandemya kaya anumang dagdag na bayarin ay dagdag-pahirap din sa mga Pilipino.  (Dittz Centeno-De Jesus)

Basahin din:

Click to rate this post!
[Total: 3 Average: 4]

EU Green Pass, balido ng 9 na buwan

Saan mandatory at hindi ang Green pass simula February 1, 2022?