in

VICTORR TORREFIEL VICENTE, DIRECTOR & EXECUTIVE PRODUCER

altAno ang iyong pangalan at ilang taon ka na?

Ako si Victorr Torrefiel Vicente at halos 30 yrs old na. Kasalukuyang naninirahan sa Roma at ipinanganak sa Navotas Manila.

Kailan, paano at bakit ka nagpunta ng Italya?

Ako ay dumating sa Italya noong 1989 kasama ang aking ina upang makapiling ang aking ama na nauna ng nagpunta dito sa Italya upang magtrabaho.

Naging mahirap ba para sa iyo ang unang taon ng pag-aaral?

Hindi naging mahirap para sa akin ang unang taon ko dito sa Italya dahil ako ay nag enroll sa isang Filipino school na pinangangalagaan noon ng Phil. Embassy. English at tagalong ang pangunahing languages ngunit itinuturo rin ang Italian sa mga bagong dating na kabataan. Natatandaan ko na iilan lamang ang mga kabataang nakakarating ng Italya dahil sa mahirap na burokratikong proseso nito noon pa man…

Ano ang pinagkaka-abalahan mo ngayon?

Ako ay kasalukuyang director at executive producer ng Seven Stars Pictures mula 2008.

Bakit mo napili ang sektor na ito?

Lingid po sa kaalaman ng marami, ako po ay isa ring aktor mula pa noong 1990 sa mga pelikulang FELIPE HA GLI OCCHI AZZURRI I & II, CHIAMAMI NANAY at BELLISSIMO. Noong 1998, ako po nag-umpisang makasama sa pagdi-direct sa mga sound track ng mga famous italian singers, at naging isang ganap na direktor ng iba’t ibang italian film tulad ng COLPEVOLE ni ENZO DE CAROLIS, ALMENO SPERIAMO CHE SIA DOMENICA ni VINCENZO CORVINO, IL MONITO DELL’APPESO ni GIUSEPPE ANDREOZZI at ng mga sound track ng POTENTE & MAESTOSA ni MALAISA. Ang magandang pagkakataong ibinigay sa akin ng tadhana ang nagdala sa akin sa sektor na ito na akin pong pinangangalagaan.

May mga experience ka ba sa sektor na ito na hindi mo malilimutan?

Marami po, ngunit hindi ko malilimutan ang aking unang pelikula noong 1990. Ginawa ko ito noong ako ay hindi pa marunong mag-italiano kaya’t kinakabisado ko po lahat ng aking linya ng hindi ko naiintindihan. Sa mga nakapanood ng film, naging napaka halaga ng awit ni Yoyoy Villame na kilalang kilala ng mga Pilipino at nakilala din ako sa awiting ito…

Nai-papakita mo ba ang kulturang Pilipino sa trabahong ito?

Ako po ay Pilipinong Pilipino, marunong akong mag-tagalog, nag-sisimba ako at kahalubilo ng mga Pilipino tuwing araw ng linggo. Ako ay pinalaki ng aking mga magulang bilang isang tunay na Pilipino, ngunit sa trabahong ito na lahat ay mga italyano, napapakita ko ang pagiging Pilipino dahil sa aking anyo na taas noo kong ipinag mamalaki ito.

Naging mahirap ba para sa iyo ang mundong ito?

Sa totoo lang, hindi ko kahit kailan man naramdaman ang pagiging dayuhan sa sektor na ito. At bilang  payo sa ating mga kabataan, ipakita lang natin ang ating kakayahan sa pag-aaral, pagbutihin ito dahil susi ito sa katuparan ng ating mga pangarap.

Napaka busy mo sa trabahong ito, may free time ka ba?

Unfortunately, sa trabahong ito ang free or vacant time ay mahirap masabi. Dahil biglaang dumarating ng sabay sabay ang mga projects at normal lang naman na samantalahin ang mga ito. Pagkatapos ay maaaring panahon naman ng pahinga…

Girlfriend? Pinay o Puti?

No comment po!!

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Maternity allowance para sa mga colf at care givers

Sahod ni Pacman, pinaka mataas sa larangan ng sport!