Rome – Sa 32 taon ng serbisyo, si Ginoong Virgilio A. Reyes, Jr. ay naging Embahador sa South Africa ng anim na taon. Siya ay nagsimula sa pagiging Ikatlo, Ikalawa at Unang Kalihim sa Philippine Mission to the United Nations sa New York bago naging Ministro at Consul General ng mga Philippine Embassies sa Mexico, Chile at Myanmar. Siya rin ay naglingkod sa Home Office bilang Direktor ng China Division of the Asia-Pacific Affairs Office, Vice Director of Ceremonials in the Office of Protocol, at Special Assistant for Foreign Affairs Secretary Carlos P. Romulo.
Siya rin ay nagtrabaho bilang Executive Director of the Office of Policy Planning and Coordination, Special Assistant in the Office of the Undersecretary for Special Projects at Executive Director of the Center for Ocean at Maritime Affairs (MOAC). Ang kanyang huling pwesto ay Assistant Secretary for Middle East and African Affairs sa DFA.
Si Ambassador Reyes ay nagtapos sa Ateneo de Manila University bilang cum laude sa kursong Bachelor of Arts in Humanities degree. Kumuha ng Masters Degree of Arts in Communications sa UP and Government and Politics sa St. John’s University sa New York.
Siya ay ang unang Pilipino na nakatapos sa Diplomatic Academy sa Vienna noong 1977.
Nag-aral din siya ng postgraduate studies sa University of Paris XI, International Institute of Public Administration at University of Santiago sa Chile.
Bukod sa Ingles at Filipino, Espanyol, Pranses, Aleman pati na rin ang Russian, Burmese at Afrikaans ay mga wikang kanyang alam.
Author at editor ng iba’t ibang libro: (1) In the National Interest: Issues on Disarmament (2)The Philippine Revolution at (3) Ang “Gloria” ni Husing Batute na tumanggap ng parangal bilang National Book Award noong 2004.
At sa kasalukuyan siya ay ang bagong Ambassador ng Pilipinas sa Italya, Republic of San Marino at Albania.
1) Bilang bagong Ambassador ng Pilipinas sa Italya, anu-ano po sa inyong palagay ang mga pangunahing programa na maaaring makatulong sa mga Pilipinong kasalukuyang naninirahan dito sa Italya?
Unang-una, ikinararangal ko na maparito bilang Ambassador ng Pilipinas sa Italya sa pamunuan ng ating Pangulong Aquino. Ako ay nagpapasalamat sa mga naunang Ambassador dito sa Italya, sina Ambassador Lhuillier at Ambassador Manalo, sa kanilang programa at mabuting ugnayan sa mga kababayan natin at sa bansang Italya.
Sa aking pagdating sa Roma noong nakraang linggo ay nagkaroon na ako ng pagkakataong makipagpulong sa mga kawani at opisyal sa ating Pasuguan upang mapag-usapan ang mga layunin at proyekto ng administrasyong Aquino sa ilalim ng kanyang “Aquino Social Contract”.
Ako’y nagpapasalamat sa “Ako ay Pilipino” sa pagkakataong ito na makapanayam kayo at maipamahagi ang mga programa ng Pasuguan.
Ang mga pangunahing layunin ng Pasuguan ay:
· ang pagsulong sa national interest ng bansang Pilipinas
· ang pagpapatibay sa mabuting relasyon natin sa bansang Italya
· ang pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas at pagpabuti sa kalagayan n gating mga kababayan
· ang pagbigay ng mahusay na serbisyo sa Consular at Labor offices natin, at
· ang pagtulong sa mga Pilipino na nangangailangan ng tulong sa Pasuguan
Sumasaloob ang lahat ng ito sa pagpapatupad sa atas ng Pangulo na magkaroon ng isang malinis at ‘transparent, accountable and participatory” na pamunuan, ang pagtulong sa kaunlaran ng ating mga kababayan sa pagbibigay ng mga angkop na kaalaman o bagong “skills”, ang pagsulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa o “rapid, inclusive and sustained economic growth,” ang pagkakaroon ng higit na respeto sa “rule of law” o sa mga batas ng Pilipinas at ng Italya, at ang proteksyon ng kalikasan.
Nais kong maipakita nating mga Pilipino na tayo ay masipag at mabuting mamamayan sa Italya. At tayo ay may tanging kultura, sining at kakayanan na kakaiba, malikhain, at sadyang maipagmamalaki.
2) Sa paanong paraan nyo po maipapatupad ang mga programang ito?
Isa-isahin natin ang mga ito:
Transparent, accountable, participatory government
Bukod sa akin, mayroon tayong bagong mga opisyal at kawani sa Pasuguan. Kami ay committed na magtulungan para sa maayos at fair na pamamahala at pakikipag-ugnayan sa komunidad at sa mga opisyal at komunidad sa Italya.
Poverty reduction at Empowerment of the poor and vulnerable
Ipagpatuloy natin ang mga meeting sa komunidad, ang mga financial literacy programs para sa mga kababayan natin, ang paghanap at pag-offer ng mga scholarships at iba pang bridging ang training programs para madagdagan ang kaalaman nila, at ang regular na pag-update ng website natin para mabilis ang daloy ng impormasyon natin.
Magkakaroon tayo ng information drives para sa Overseas Absentee Voting at sa Dual Citizenship Law upang lalong dumami ang mga nakakaalam at nakikibahagi nito.
Ang isa sa mga pangarap ko para sa ating mga kababayan ay ang pagtatayo ng isang Philippine education and cultural center, “Centro Rizal”, na isng lugar para sa pag-aaral at pagsasanay sa mga wika, usapang kalakal o small business, at sa artistry ng mga kababayan natin.
Rapid, inclusive and sustained economic growth
Sa tulong ng ating mga attached services, nais ng Pasuguan mapalaki ang ating trade and investment flows sa Italya, ang pag-negotiate ng mga Agreements sa trade, finance, labor and migration at iba pa na mahalaga sa bayan natin, at ang paghikayat at pagdala ng mga investors mula sa Italya papunta sa Pilipinas upang makapagtayo sila ng mga business na mag-eempleyo ng mga Pilipino.
Balak ko rin i-promote ang tourism sa bansa natin, hindi lang sa mga taga-Italya kung hindi pati na rin sa ating mga kababayan dito.
Promoting the Rule of Law and Integrity of the environment
Mahalaga ang paghikayat sa pagsunod at paggalang sa mga batas ng Pilipinas at Italya. Mahalaga rin ang partisipasyon ng ating Pasuguan sa mga international institutions dito tulad ng Food and Agriculture Organization (FAO). Kailangan na ipapamahagi natin sa mga usaping pandaigdigan ang mag bagay na makabubuti sa Pilipinas at sa ating mga kababayan.
3) Anu po sa inyong palagay ang maaaring maging sagot ng ating mga kababayan sa mga programang ito?
Ako’y umaasa sa patuloy na suporta ng ating mga kababayan sa mga programa ng Pamahalaan at proyekto ng Pasuguan.
Ang mga programang ito ay para sa ating mga kababayan at mas higit na makakatulong sa kanila kung ito ay mahusay na naipapaliwanag at napag-uusapan. Kailangang marinig rin ng Pasuguan ang mga ang mga mungkahi o suggestions ng ating komunidad, lalo na sa layuning mapabuti o mapadali ang pag-implemento nito.
4) Magiging sapat po ba ang mga ito bilang kasagutan sa kasalukuyang hinaing ng ating mga kababayan dito sa Italya?
Bukod sa mga nabanggit ko na, isang konkretong mungkahi para mapaayos ang serbisyo ng Konsulado ay ang pagpapa-ayos natin ng mga opisina dito. May plano tayong mag renovate ng ating Consular at Assistance to Nationals sections sa mga susunod na buwan. Ito’y upang gumanda ang mga tanggapan at hintayan sa Konsulado at umayos ang daloy ng tao. Ipapa-alam naming sa publiko kung ano ang schedule ng renovations para hindi maantala ang ating pagbibigay serbisyo.
Ang kalagayan ng mga Pilipino at ang kanilang mga pangangailangan ay mahalaga sa ating pamahalaan. Ang pagsusumikap natin na mahikayat ang mga investors at mangangalakal na Italyano na magpasok ng investment at capital sa ating bansa ay makatutulong upang magkaroon ng pagkakataong mamili ang mga Pilipino kung gusto pa nilang mangibang bansa upang magtrabaho o manatili na lang sa bansa natin.
Naiintindihan ko ang malaking sakripisyo ng ating mga kababayang may pamilya, lalo na yung mga magulang na napipilitang pauwiin muna sa Pilipinas ang kanilang mga anak. Mahirap mawalay sa anak lalo na sa panahon na sila’y lumalaki at nagkakaisip. Layunin natin na suportahan ang mga kababayan nating may interes magkaroon ng better skills at mas mataas na qualifications upang magkaroon ng choices o pagpipilian sa kanilang pinapasukan. Sa kinalaunan naman, kapag umuunlad na rin ang ating bansa, mas higit na tayong magkakaroon ng choices sa ating buhay.
5) Maaari po ba naming marinig ang inyong opinion ukol sa mainit na usapin ukol sa middle name?
Bago ako dumating sa Italya, inumpisahan nang ipatupad ang Circolare 29 (may petsang 07 Oktubre 2010) at Circolare 4 (may petsang 24 Enero 2011).
Naglabas na rin ng pormal na Legal Opinion ang DOJ (na may petsang 28 July 2011) na nagpapatibay at nagdeklarang legal at tama ang Circolar 29. At bago nito, pinagtibay rin ng DFA-Office of Legal Affairs (na may petsang 26 May 2011) ang nasabing Circolare 29.
Bagama’t may ilan sa ating kababayan ang kontra sa Circolare, batid ng Embassy na marami rin sa ating mga kababayang tanggap ang Circolare at buo ang pang-unawa at pagsuporta rito.
Mayroon ding ilan na nagparating ng kaunting problema sa pagpapatupad ng Circolare, halimbawa: ilan sa Permesso di Soggiorno na inilabas matapos ipatupad ang Circolare 29 ay mayroon pa ring nakalagy na middle name.
Ito ay isa-isang hinaharap ng ating mga Consul, at personal nilang kinakausap ang ating mga kababayang may problema sa middle name. Direkta rin silang nakikipag-ugnayan sa Questura at Anagrafe para tulungan ang ating mga kababayan.
At lahat ng Certificato na iniisyu ng Embassy na may kinalaman sa “middle name” ay mananatiling libre at walang bayad.
Patuloy na makikipag-ugnayan sa mag opisyal ng Italya ang ating Consul General tungkol sa isyung ito.
Lahat ng saloobin ng ating mga kababayan tungkol dito ay amin ring ipararating sa DFA, para alamin kung sakali mang may pagbabago sa utos ng ating Pamahalaan.
—
Sa pagwawakas ng panayam na ito, nais ko lang ulitin na ang ating Pasuguan ay bukas sa maayos na pagmumungkahi or suggestions mula sa ating komunidad, at handang makipagtulungan para sa ikabubuti nating lahat at ikatataas ng imahe ng Pilipino sa Italya.
Salamat at Mabuhay po tayong lahat.