Bilang dedikasyon sa mga kababaihan, nagsagawa ng tatlong webinar ang POLO Milan na may mga tema ukol sa women empowerment at gender-sensitive issues and problems.
Noong ika-28 ng Pebrero, 2021 ay kanilang inilunsad ang webinar series sa pangunguna ni Labor Attache Corina Padilla-Bunag. Ito ay may titulong “Buhay at Batas Goes to Europe: Usapang Kasalan, Hiwalayan at Ari-Arian” kung saan ang mga resource persons ay ang tandem ng mag-asawang abogado, sina Atty. Nikki De Vega at Atty. Karlo NicoIas. Ipinaliwanang nila ang mga obligasyon na nakapaloob sa kasal, ang mga karapatan ng mga kababaihan sa marital relationship at sa pamilya, ang mga legal na usapin ukol sa pakikipaghiwalay at ang epekto ng pagpapawalang-bisa ng kasal sa mga pag-aari ng mag-asawa.
Nagbahagi din ang ilan sa mga partisipante na kanilang mga naging karanasan at humingi ng payo ukol sa mga isyu ukol sa ari-arian nila matapos ang paghihiwalay.
Nang sumunod na linggo, ika-7 ng Marso, 2021 ay nagpokus naman ang webinar sa isyu ng karahasan laban sa kababaihan at may titulo itong “Buhay at Batas goes to Europe: Usapang Kababaihan at Kabataan Laban sa Karahasan” at muli ay ang tandem ng mag-asawang sina Atty. De Vega at Atty. Nicolas ang naging panauhing tagapagsalita. Dito ay tinalakay naman ang mga legal na isyu ukol sa domestic violence. Ipinahayag nila ang mga porma ng abuso at karahasan na dinadanas ng mga bata at kababaihan at kung ano ang mga nilalaman ng Batas 9262 na magtatanggol sa kanilang karapatan.
At bilang pagtatapos sa serye ng kanilang webinar at kulminasyon ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, ang panghuling webinar ay may titulong “Buhay at Batas goes to Europe: VAWC sa Panahon ng Pandemya”. Ito ay ginanap noong Marso 14, 2021 at ang naging resource person ay si Ms. Ann Angala, nagtatag ng PINK, isang samahan ukol sa women empowerment. Sa una ay ibinahagi niya ang kanyang karanasan bilang biktima ng domestic violence. At hinikayat niya ang mga babaeng dumaranas din nito na ipaglaban ang kanilang karapatan at huwag mag-atubili na humingi ng tulong sa iba. Nagbahagi rin ang iba ng mga paraan kung paano maipapaalam sa mga may kapangyarihan at sa mga concerned groups ang kanilang dinaranas.
Ang mga webinar na ito ay inilabas din nang “Live” sa POLO Milan Facebook page at sa kanilang You Tube channel. Hindi lamang din sa Italya, ito ay nakaaabot din sa iba pang mga OFWs na nasa Austria, Croatia, Slovenia, Slovakia, Hungary, Romania, Serbia, Montenegro, Bosnia -Herzegovina, Moldova at Bulgaria.
Ang POLO Milan ay patuloy sa pagdaraos ng webinar para sa mga OFWs sa Italya at ibang parte ng Europa. Hangad nito na magkaroon ng mga paglilinaw sa mga isyu at iba pang usapin na nakakaapekto sa mga migranteng Pilipino. (Dittz Centeno-De Jesus)