Patuloy ang pag-angat ni Camille Cabaltera sa X-Factor 11 Italya.
Muling nakumbinsi ni Camille Cabaltera ang kanyang coach na si Levante upang siya ay makasama sa tatlong dadalhin nito sa “Live” sa susunod na linggo. Ang apat na teams ay pumasok na sa yugto ng “Home Visit” kung saan makikita na sila ay nasa iba’t ibang lugar upang magpamalas na muli ng kanilang galing sa pagkanta at kumbinsihin ang kanilang mga coach na dalhin sila sa huling parte ng show kung saan maghaharap harap ang lahat ng mga napiling labindalawang mga pinalista, tatlo sa bawat kategorya. Ang team ni Mara Maionchi ay nagpunta sa Venice at ang grupo naman ni Manuel Agnelli ay napadpad sa Manchester. Lumipad naman ang koponan ni Fedez patungong Dubai samantalang ang grupo ni Levante naman ay tumawid sa Ponte di Messina patungo sa kanyang bayang sinilangang Sicily.
Buo ang loob ni Camille ng humarap kina Levante at Noemi at puno ng dynamics niyang inawit ang “Meravigliosa creatura” ni Gianna Nannini. Hindi maikakaila sa mga mukha ng mga nakikinig ang kanilang pag apruba sa kandidatang pilipina. Matatandaan na sinabi ni Levante na hindi lamang boses ang kanyang basehan sa pagpili kundi ang kanyang hinahanap na “buhay at emosyon” na kayang iparating sa kanyang puso ng mga kandidato, ang pagsanib puwersa ng melodya at personalidad, mga elementong nakita niya kay Camille. Umaapaw ang saya ni Camille ng sabihin ni Levante na isa siya sa mga napiling dalhin sa “Live”, ang huli at pinaka krusyal na yugto ng X-factor sa taong ito.
Sa kasalukuyan ang apat na teams ay may natitirang 3 kandidato bawat isa. Ang “magnificent 12” na ito ang siyang maglalaban laban sa Live show at iisa lamang ang magtatagumpay. Nakaabang at lubos na umaasa ang komunidad ng mga pinoy sa italya na si Camille ang hihiranging kandidata na nagtataglay ng hinahanap ng lahat na “X” factor.
Ni: Quintin Kentz Enciso Cavite Jr.
Photo credit: X-Factor Italia