Patok na patok ang Zumba Mommies sa mga pagdiriwang sa Roma!
Bukod sa magandang epekto sa katawan ng pagsasayaw ng Zumba, ito ay nakahumalingan ng sampung mga Mamshies sa Roma dahil na rin sa tuwang naihahatid nila sa kanilang publiko.
Ang bilis at saya ng nakaka-enganyong ritmo ng Zumba na sinabayan ng kanilang angking talento ay tunay na nakakapagbigay aliw sa maraming mga pagdiriwang.
Sila ay ang grupo ng Zumba Mommies!
Nabuo ang ideya na magkaroon ng grupo ng mga Mommies pagkatapos ng kumpetisyon ng Batang Idol Season 2, taong 2014.
“Sa katunayan, nagkaroon ng performance sa Batang Idol ang 24 Moms ng mga contestants at tinawag ang grupong “The Proud Mommies”. Pagkatapos ay muling naimbitahan sa iba pang kumpetisyon ang “The Proud Mommies” kahit pa lima na lamang ang sumali”, kwento ng mga Mamshies.
Mula noon, ay nagpatuloy ang limang miyembro na maging isang dance group. At dahil sa panahong iyon ay kasagsagan ng Zumba, ito ang kanilang napiling pangalan at tinawag ang kanilang grupo na “Zumba Mommies”.
Ang Zumba Mommies ay nabuo noong June 10, 2016 – kasabay ng pagdiriwang ng Philippine Independence Day sa Roma.
“Maituturing naming unforgettable ang aming performance sa PID celebration noong 2016. Dahil dito talagang nakilala ang aming grupo at simula noon ay nagkatanggap kami ng maraming invitation”, anila.
Ito ang simula na naging bahagi ang Zumba Mommies ng iba’t ibang pagdiriwang tulad ng anibersaryo ng mga Communities at Associations pati na rin ng mga Beauty pageants at mga Concert. Panay na panay ang imbitasyon sa kanila ng mga organizers.
Bukod sa pagiging Ilaw ng mga Tahanan ay napatunayan ng ating mga Momshies na ang pagkakaroon ng ‘hobby’ ay isang paraan upang magkaroon ng higit na kaibigan, mapalalim pa ang talento at maging bahagi ng isang komunidad na may hangaring makatulong sa kapwa.
Kaugnay dito, nagkaroon ang Zumba Mommies ng unang Gift Giving noong nakaraang Agosto 2018 sa San Jose Salay Elem School Buhi Cam Sur, kung saan 291 ang nakinabang ng kanilang munting regalo: P 100 sa mga pinakasirang tsinelas.
“It’s about camaraderie, friendship, teamwork and healthy lifestyle. Alone we can do so little, together we can do so much”, ayon sa post ng miyembro nitong si Gigi Borromeo matapos dalhin ng personal sa mga bata ang kanilang handog.
Nitong Marso ay ginanap ang kanilang unang “Zumba for a Cause”. Maraming naging pakulo ang mga Zumba Mommies sa gabing iyon kabilang ang free Zumba lesson at ang “Zumba King and Queen”. Ang kanilang nalikom na pera sa okasyong ito ay itutulong din nila sa mga kabataang nangangailangan sa Pilipinas.
Kaya, kahit medyo wala ka sa tiyempo at halos kasing tigas ng dos por dos ang baywang mo, kung mula naman sa puso ang pag-indak, malaki ang maitutulong ng Zumba Mommies!
“Sana dumami pa ang mga member ng grupo”, may paanyayang pagtatapos ng Zumba Mommies.
Zumba Mommies
Imelda Valdez
Elizabeth Dequilla
Gigi Borromeo
Nora Colo
Marilyn Ople Ramos
Jesusa Dimalanta
Jennifer Bayaborda
Fatima Perez
Mayette dela Pena
Juryz Raine
PGA