Minsan pa ay napatunayan ang pagiging malikhain sa mga proyekto ng mga Pilipino. Nangyari ito sa Bologna noong ika -8 ng Abril , 2018 kung saan ay idinaos ang isang medical mission ng FINASS o Filipino-Italian Nurses Association , kasunod ang ZUMBATHON o Zumba -Marathon ng Hyper-Megara Fitness Class. Ito ay ginanap sa Centro Interculturale Zonarelli sa via Sacco 14, Bologna.
Ang medical mission na ito ay kasunod ng mga naunang medical mission ng FINASS sa Modena, Ospedale Maggiore sa Bologna at sa Reggio Emilia at bahagi ng kanilang layunin na “Prevention is better than Cure” at health awareness campaign sa mga Pilipino, sa pamumuno nila Deciditas Macaraeg, Alicia Notario at Russel Rivera kasama ang mga nurses at volunteers na miyembro nito.
Nagtungo dito ang mga kababayang ang hangad ay ma-check ang kanilang blood pressure, blood sugar count at iba pang blood screening tes at cholesterol count. Bahagi din nito ang adbokasiya nila sa tamang pagkain at pagdidiyeta na ibinahagi naman ng dietician na si Elisha Gay Hidalgo.
Pagkatapos ng mga check-ups at seminar ay sinundan ito ng Zumba marathon sa pangunguna ng Zumba instructress na si HAZEL MAGDAMIT at ng guest ZIN na si NASTASIA CARDINALE, kasama ang iba pang miyembro ng HYPER MEGARA FITNESS CLUB, pati na rin ang mga nagsidalo sa medical mission.
Ang ZUMBATHON charity event na ito ay taunan nilang isinasagawa at sa taong ito ay inilaan nila sa pangangailangang pinansiyal ng FINASS upang maipagpatuloy pa nito ang misyong makapagserbisyo sa mga kababayang Pilipino.
Nakapagpa-check up na, naka-zumba pa at higit sa lahat ay nakatulong pa.
Dittz Centeno-De Jesus