in

18 anyos ngunit hindi ipinanganak sa Italya, paano na ang permit to stay?

Ang aking anak ay dumating sa Italya menor de edad pa lamang at  ngayon ay 18 anyos na sya, paano na ang kanyang permit to stay? Paano na ang kanyang pag-aaral? 

Sa Italya, ang kawalan ng citizenship o ang mga naghihintay pagkalooban nito ay mayroong higit na alalahanin kumpara sa mga ka-edad na naturalized Italians na.

Matapos ang esami di maturità at summer vacation, ang mga kabataan na may edad 18 hanggang 19 anyos ay karaniwang nasa punto ng isang mahirap na desisyon: magpatuloy sa pag-aaral, maghanap ng trabaho, mag-aplay sa Civil Service o ang magkaroon muna ng ‘break’ sa pamamagitan ng bakasyon sa ibang lugar o ang magpahinga sa sariling tahanan.

Gayunpaman, anuman ang maging desisyon, ay kailangang isaalang-alang ang regular na pananatili sa bansang Italya. Sa sinumang ipinanganak sa Italya, ngunit hindi pa ganap na mamamayang Italyano, ay mayroong 12 buwan o hanggang ika-19 na taong kaarawan upang mag-aplay nito.

Ngunit kung hindi sa Italya ipinangananak, ang pananatili sa Italya ay bagay na nakasalalay sa dokumento ng mga magulang. Tandaan na ang pagkakaroon ng sapat na gulang ay simula upang tumayo sa sariling mga paa upang magkaroon ng sariling permit to stay. Maraming mga dahilan at marami ring uri ng mga permit to stay ngunit ang mga ito ay batay sa pagkakaroon ng angkop na tahanan at sapat na mapagkukunang pinansyal, bagay na parehong karaniwang wala pa ang isang bagong nag-18 anyos na kabataan.

Ang mga maituturing na posibleng maging panatag ay ang mga kabataang mayroong EC long term residence permit, na mula noong 2007 ay pinalitan ang dating carta di soggiorno. Kumpara sa ibang uri ng permit to stay na balido ng isa o dalawang taon, ito ay isang permanent document at walang expiration.

Tandaan na ang isang newly-18 yr old na hindi pa Italian citizen ay maaaring mag-aplay ng 1 sa 3 uri ng permit to stay: lavoro (trabaho), familiare (pamilya) o studio (pag-aaral). 

Permesso di soggiorno per lavoro – Ito ay may dalawang uri: subordinato o autonomo. Ang permesso per lavoro subordinato ay balido ng dalawang taon kung ang uri ng kontrata ay indeterminato, o isang taon kung ang kontrata sa determinato. Samantala, ang permesso per lavoro autonomo naman ay balido ng dalawang taon at maaaring i-convert sa permesso per lavoro subordinato kung magbabago ang kundisyon ng worker.

Permesso di soggiorno per motivi familiari – Ang newly-18 yr old ay siguradong nagtataglay ng permesso per motivi familiari simula ng dumating sa Italya sa pamamagitan ng family reunification noong menor de edad pa lamang. Ang uring ito ng permit to stay ay naka batay sa trabaho ng isa sa mga magulang at marahil ay magpapatuloy ang pagiging dependent ng 18 anyos sa trabaho ng magulang na magiging dahilan sa paggamit ng ganitong uri ng permit to stay. Tanging pagkakaiba lamang ay pisikal na ang 18 anyos ang kikilos sa renewal nito, kasama dito ang pagpila sa mga tanggapan.

Permesso di soggiorno per motivo di studio – Ito ay makukuha ng sinumang naka-enrolled sa anumang university kung mapapatunayan ang pagkakaroon ng sapat na mapagkukunang pinansyal (isang bagay na hindi madali kung parehong nag-aaral at nagta-trabaho) at ang pagkakaroon ng itinakdang bilang ng exams, dahil sa renewal ng ganitong uri ng permesso ay hinihingi ang libretto universitario kung saan sinusuri ang huling exam na hindi dapat mas matagal ng anim na buwan. Ang ganitong uri ng permit to stay ay balido katulad ng duration ng kursong kinukuha.

At dahil ito ay partikular na bahagi ng buhay, kung kailan simulang pinagiisipang mabuti ang kinabukasan, ang pangangailangang magkaroon ng permit to stay at ang obligasyong i-renew ito ng regular ay naghahatid ng mga suliranin partikular ang pinansyal na isyu. Ang mapatunayan ang pagiging financially independent sa ika-18 anyos ay malaki ang nagiging epekto sa mga posibleng pagtanggap o pagtanggi sa ilang oportunidad dahil sa pangangailangang pinansyal. 

Ang Erasmus at ang Civil Service

Gayunpaman, ang pagkakaroon ng karanasan sa Erasmus at Servizio civile, sa mga huling taon ay naging pangkaraniwan sa mga kabataan. Sa katunayan, ayon kay Tiziana De Matteis, ang responsible sa Erasmus per l’Università La Sapienza, ang lahat ng mga kabataan na naka-enrolled sa unibersidad ay may pagkakataong lumahok sa proyektong Erasmus +  kung saan kinakailangan lamang ang pagkakaroon ng permit to stay. Bago lumabas ng bansang Italya ay sinusuri kung kakailanganin ang pagkakaroon ng visa. Ang programang Erasmus + ay karaniwang nagbibigay ng scholarship at allowance na ibinibigay sa mga mag-aaral na may pangangailangang pinansyal na pinatutunayan sa pamamagitan ng ISEE. Ito ay ibinibigay sa pamamagitan ng European fund. Ayon pa kay De Matteis, sa huling tatlong taon ay maraming non-Europeans ang nag-aplay.

Samantala, mula noong 2015, kahit ang mga dayuhang kabataan na mayroong balidong permit to stay ay maaari na ring mag-aplay sa selection ng Servizio Civile. Mayroong limitasyon kumpara sa mga mayroong Italian citizenship sa haba ng panahon ng pananatili sa labas ng bansa, na batay sa validity ng permit to stay na hawak. Maaaring manatili ng 12 buwan sa labas ng Italya ang mga boluntaryong kabataan kung mayroong EC long term residence permit o permit to stay na balido ng 2 taon; at anim na buwan naman sa labas ng bansa ang mga mayroong permit to stay na balido ng isang taon.

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Turista, maaari bang mag-aplay ng permesso di soggiorno per lavoro?

Employer, ano ang dapat gawin sa pagbubuntis ng colf?